Noong Setyembre ng 2001, dalawang pampasaherong eroplano na hinijack ng ilang Arabong Muslim ang binangga sa dalawang tore ng World Trade Center sa New York. Bumagsak ang mga nasabing gusali, libo-libo ang namatay. Nang malaman ng mundo kung sino ang may kagagawan nung terorismo, nagbago kaagad ang tingin sa lahat ng Arabo. Kapag may Arabong kasama sa eroplano, pangamba at suspetsa ang umiiral sa biyahe. Mas naging mahigpit lahat – sa eroplano, sa bus, sa tren – kapag Arabo ang sumasakay. Sa madaling salita, nagkaroon ng matinding diskriminasyon sa mga Arabo, kahit mga Kristiyano pa ang iba. Bagama’t mga Arabo nga ang may kagagawan nung pagbagsak ng World Trade Center, hindi naman lahat ng Arabo ay sang-ayon sa ginawang terorismo. Hindi naman lahat ng Arabo ay masama. Sa katunayan, kahit ngayon, siyam na taon nang maganap ang krimen, hindi pa rin normal ang pagtingin sa mga Arabo. Ganun ang tao. Kapag may nagaganap na trahedya, hahanap at hahanap ng pwedeng sisihin at pagbuntungan ng galit at hinagpis. Sa ngayon, parang mga Arabo na rin tayo.
Ganito ang nangyayari sa Hong Kong ngayon. Maraming nagulat sa dami ng dumalo at nakilahok sa martsang protesta sa Hong Kong, laban sa naganap na palpak na hostage rescue noong isang linggo. Ang estima ng mga pulis ay higit walumpung libong tao ang nakilahok sa martsa. At ang mga sigaw ng mga tao ay masama ukol sa Pilipinas. Hindi kay Rolando Mendoza, na siyang nang-hostage sa dalawampu’t-dalawang turista mula sa Hong Kong, at pumatay sa walo bago matapos ang trahedya, kundi sa mga Pilipino, kay Pangulong Aquino, sa Pilipinas! May mga kwento na ng pagmamaltrato at pambabastos sa ilang mga Pilipino, kasama na si Sen. Jinggoy Estrada. Alam naman ng lahat na may pagkabastos rin ang mga tiga-Hong Kong, pero mas tumitindi ngayon laban sa mga Pilipino. Matagal nang mababa ang tingin ng mga tiga-Hong Kong sa Pilipinas, dahil mas mahirap tayong bansa kaysa sa kanila. Dahil sa ang pinaka mahalagang kalakal ng bansa sa Hong Kong ay mga katulong, tila ganun na ang tingin ng mga iyan sa lahat ng Pilipino!
Sa ngayon, marami na ring Pilipino ang nag-aalangang magpunta ng Hong Kong, dahil baka mabastusan o mamaltrato lang. Walang pinipili ang mga tiga-Hong Kong. Maging turista o OFW na magtatrabaho. Kaya mababawasan rin ang pasok ng turismo sa Hong Kong mula sa Pilipinas. Pero wala silang pakialam doon, at mainit naman ang dugo nila sa lahat ng Pilipino ngayon. Kung gaano katagal na ganito ang damdamin nila sa Pilipino, eh tingnan na lang natin at isang linggo pa lang ang dumadaan.