NAGTUTURUAN at nagsisisihan. Ganyan ang nangyayari kapag may mga kahindik-hindik at madugong pangyayari. Ililigtas ang sarili para hindi maparusahan. Sa nangyaring hostage taking noong nakaraang linggo, kapuna-puna na nagtuturuan na ang mga opisyal ng gobyerno at Philippine National Police. Mabuti na lang at inako ng hepe ng Manila Police District ang pagkakamali. Nagbitiw na siya sa puwesto bilang hepe. Pero dapat may mga matataas pa sa kanya na magpakita ng delikadesa.
Malaking kasiraan sa Pilipinas ang nangyari. Nakita ang kawalan ng kakayahan ng PNP particular ang mga SWAT ng MPD kung paano ire-rescue ang mga hostages. Urung-sulong sila. Kakatwa nga na ang kahulugan pala ng SWAT ay Sana Wag Akong Tamaan at Sori Wala Akong Tactics.
Nag-iisa ang hostage taker at kung mahuhusay at kumpleto sa gamit ang mga SWAT, baka hindi na inabot ng dilim ang krisis. Nalantad din na walang ginawang mahusay na paraan para makumbinsi ang hostage taker na si Senior Insp. Rolando Mendoza. Sa halip na payapain, ginalit pa dahil inaresto ng MPD ang kapatid. Nakita ni Mendoza ang pag-aresto sa kapatid. Nagalit at namaril siya ng Hong Kong tourists. Walo ang namatay sa hostage drama.
Ang ikinatatakot ko ay ang kalagayan ng OFWs sa Hong Kong. Apektado sila roon. May inalis na sa trabaho at ang iba ay nakakatikim ng masasakit na salita. Maski si Senator Jinggoy ay hinagis ang passport nang magtungo siya sa HK.
Kailangan nang kumilos si P-Noy para ganap nang mabuhusan ng tubig ang nag-aapoy na galit ng mga taga-Hong Kong. At isa sa maaaring makahupa ng kanilang galit ay kung maibibigay agad ng RP ang findings ng imbestigasyon. Huwag nang patagalin pa sapagkat habang tumatagal ay lumalaki ang punit sa pagkakaunawaan ng RP at HK. Dapat maibalik ang imahen na tahimik, mapayapa at masaya ang Pilipinas.