Babala ng DOH sa red tide
NAPAG-USAPAN namin ng aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ang panibagong babala ng Department of Health (DOH) tungkol sa kontaminasyon ng red tide toxin sa ilang lamandagat sa anim na lawa sa maraming lugar sa bansa.
Ayon sa DOH, ang babala ay kanilang ipinalabas base sa kumpirmasyon ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ng Department of Agriculture (BFAR-DA), na nakitaan umano ng naturang toxin ang mga sample ng “alamang” at shellfish (tahong at iba pa) na nakuha sa Honda Bay sa Palawan, Dumanquillas Bay sa Zamboanga del Sur, Matarinao Bay sa Eastern Samar, Murcielagos Bay sa Zamboanga del Norte at Misamis Occidental; Sorsogon Bay sa Sorsogon; gayundin sa Carigara Bay sa Leyte.
Mahigpit ang babala at ginagawang pagbabantay laban sa paghuli, pagbebenta at pagkain ng naturang mga lamang-dagat sa mga apektadong lugar dahil sa matinding peligro nito sa kalusugan na sa marami nang mga pagka kataon ay nagresulta pa sa kamatayan.
Ang red tide ay itinuturing na isang phenomenon kung saan ay halos nagiging kulay pula ang ilang bahagi ng katubigan dahil sa presensiya ng napakaraming “algae” na nagtataglay ng toxin. Ito ay karaniwang nangyayari sa panahon ng madalas na pagsasalit-salit ng malakas na pag-ulan at matinding pagsikat ng araw. Halos taun-taon itong nangyayari hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa napakarami pang mga bansa. Ilan sa mga sintomas ng pagka-apekto ng red tide toxin sa tao ay ang grabeng pagkahilo, pananakit ng tiyan, pagsusuka, diarrhea, pangangati ng bibig at mukha, at kahirapan sa paghinga.
Mahalagang maipaunawa nang sapat sa publiko ang usaping ito. Para naman sa mga ka babayan natin na nakadepende ang paghahanapbuhay sa paghuli at pagbebenta ng mga nabanggit na mga apektadong uri ng lamang-dagat, pansamantalang humanap muna sila ng ibang pagkakakitaan, kung saan ay nagbibigay naman ng ayuda ang pamahalaan sa ganitong sitwasyon. Sundin ang babala ng DOH.
- Latest
- Trending