Lahat nang malalaking isyu dawit ang pulis

NAKABABAHALA na sa lahat ng malalaking isyung bu­ma­­bagabag sa bansa ngayon ay sangkot kahit papano ang mga pulis. Ilista natin:

(1) Si sinibak na police captain Rolando Mendoza ang nag­masaker ng Chinese hostages nu’ng nakaraang Lunes sa Quirino Grandstand.

(2) Kapatid ni Mendoza na traffic policeman, si Gregorio, ang nag-udyok sa kanya na magmatigas sa negotiators.

(3) SWAT ang matapang pero sablay na lumusob sa bus na lulan ang hostages. Ground commander nila si Chief Supt. Rodolfo Magtibay.

(4) Ang crisis committee na namuno sa negotiations at pagpaplano ng rescue ay si Manila mayor Fred Lim, isang dating pulis.

(5) Nang mag-leave si Magtibay, ang ipinalit sa kanya ay si Col. Francisco Villaroman, na may kasong kidnapping ng Chinese.

(6) Si Tondo police chief Joselito Binayug ang kinilala sa video na nangto-torture sa holdup suspect na nakatali ang ari, bago ito ipa-salvage.

(7) Nagtatago sa kasong double kidnapping-murder ang isang senador — si Panfilo Lacson na dating hepe ng National Police.

8) Isa rin dating pulis, si Antipolo Rep. Reynaldo Acop, ang nagpapasuko kay Lacson, na kasama niya sa kasong narco-trafficking.

(9) Kasasampa pa lang ng Ombudsman ng kaso laban kay Cynthia Verzosa, asawa ni PNP chief Jesus Verzosa na head of delegation nang mahulihan ng labis na euros sa Moscow ang mga heneral ng pulisya.

(10) Walong pulis ang pinas­lang sa landmine ambush ng mga rebeldeng komunista nu’ng naka­raang linggo sa Northern Samar.

Pruweba ang lahat ng ito ng ka­­hinaan ng National Police. Kulang ito sa kagamitan, mababa ang morale, at maloko ang pamunuan.

Pero hindi lahat ng pulis ay sablay. Si Insp. Bismarck Men­doza, anak ng hostage taker, ang napaka-gentleman na umaayos ng gusot sa pagitan ng Hong Kong at Pilipinas, sa pamama­gitan ng pag-sorry niya sa mga namatayan sa hostage crisis. Isa siyang ma­ giting na officer.

Show comments