PATUNG-PATONG na kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children, serious physical injury, at physical injury ang kinakaharap ngayon ng inireklamong amo na si Anabelle Catajan.
Bukod pa ito sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse na isinampa ng kaniyang naunang kasambahay na biktima ng kaniyang pangangastigo
Ito ‘yung halos anim na buwan naming sinusubaybayan dahil sa isang kasambahay na nakatakas mula sa kaniyang kamay matapos niya itong maltratuhin.
Matagumpay na naisagawa ang rescue sa kaniyang tatlong kasambahay, kasama na rito ang pinaka-grabeng sinapit na si Sally.
Kung ano ang sinapit ni Madel matapos itong tumakas sa kaniyang amo, ganoon din ang kalagayan ni Sally.
Pulos paso ng plantsa ang kamay, braso at likod ni Sally. Halos nakakalbo ang ulo sa sabunot at maga ang mukha nito dahil sa mga suntok.
Ayon kay Commission on Human Rights Chairperson Eta Rosales, pasok ang kasong ito sa Republic Act 9745 o ang Anti-Torture Act of 2009.
Anumang klase ng pagmamalupit, pangangastigo at walang awang pagpaparusa sa isang tao, pasok sa batas na ito.
Nasa-sailalim sa batas na bawal na bawal ang pagma-maltrato sa kahit sino, mapa-kasambahay man ito.
Dito, ini-engganyo ng CHR ang lahat ng kasambahay na nakaranas ng pagmamalupit at pagmamaltrato sa kanilang mga employer o amo na magsumbong sa CHR upang makastigo ang mga lumalabag sa karapatang pantao.
Bago ang batas na ito, kaya’t nais magsampol ng CHR para sa mga among walang awang magmaltrato ng kanilang mga kasambahay.
Kasalukuyang nasa Quezon City Social Services and Welfare Center ang tatlong kasambahay. Sumasailalim sila sa iba’t ibang pagsusuring medical, pisikal at emosyonal.
Ito’y upang matanggal ang trauma na kanilang sinapit mula sa sadistang amo na si Catajan. Maging si Madel, maganda na ang sitwasyon nito.
Unti-unti nang naghihilom ang mga sugat sa kaniyang katawan na gawa ng kaniyang dating amo na si Catajan.
Naka-asiste ang BITAG at QC-SSWC sa kasong ito upang makamit ng mga biktima ang hustisya sa kanilang sinapit.