Nakakahiya
MAY komentaryo ang isang British na eksperto sa counter-terrorism ukol sa kapalpakan ng Manila Police District sa paghawak sa hostage taking, pati na ang paglusob sa bus ng mga “special police”. Napakaganda ng kanyang mga sinabi.
Isa na rito ay ang mga baril na dala ng mga pulis. Masyadong mahahaba raw ang M16 dahil makipot na lugar ang papasukan. Dapat mga maiikling machine gun katulad ng MP5 (ayon sa isang kilala kong mahilig sa baril) para madaling iwasiwas sa loob ng bus. At ano ang pakay nila sa pagbasag ng mga salamin kung wala naman silang paraan para maakyat ang mga bintana? Walang hagdan para mapasok ang mga bintana. Ni hindi nga nila mabasag nang maayos ang mga bintana, nabitawan pa ng isa ang maso! Meron daw espesyal na pasabog para matanggal nang buo ang bintana. At nagtapon ng tear gas pero walang mga gas mask ang mga pulis!
Bakit daw hindi sinamantala ng mga pulis ang mga oportunidad na kausap ng negosyador si Mendoza! Dapat daw ay dinisarmahan na para tapos na, o kaya’y binaril ng sniper sa paa o balikat! Dahil ba dating pulis at ayaw saktan? Ayon kay NCRPO Chief Director Leocadio Santiago, labag daw sa batas ang saktan ang isang hostage-taker kung hindi pa sinasaktan ang mga bihag. Ano? Ang pag-hostage sa kanila ay hindi pala masakit, ganun ba? Ang pinaka mahalaga pa rin ay ang pagkaligtas ng mga bihag, lalo na’t mga turista pa! Dapat pag-aralan ang patakaran na ito. Pati na ang pag-cover ng live ng media ay pinuna rin ng eksperto. Mukhang lahat ay iyan ang sinasabi. Dapat sigurong baguhin ang mga patakaran ukol sa mga ganitong sitwasyon. Parang binigyan lang daw ng palugit si Mendoza para paghandaan ang kilos ng mga awtoridad.
Ang sabi pa ng eksperto, bakit hindi na lang daw sumang-ayon sa lahat ng hiningi ni Mendoza, lalo na’t wala namang hinihinging mabigat katulad ng paglaya ng mga nakakulong na terorista o malaking halagang pera, tapos kasuhan na lang para sa hostage-taking kapag natapos na ng mapayapa!
Sigurado marami pang mga eksperto ang magbibigay ng kanilang mga opinion sa nangyari. Walang magagawa kundi makinig, at sana matuto. Ang nagpapakulo pa sa dugo ko, ay nagpapadala ang gobyerno ng mga heneral o mataas na opisyal na pulis sa ibang bansa para lumahok sa mga seminar at conference ng mga pulis, pero wala naman silang nababalik sa bansa mula sa mga biyahe na iyan kundi kahihiyan din! Nakakahiya talaga, at nag-uumpisang maramdaman ito ng mga OFW sa Hong Kong.
- Latest
- Trending