Dear Dr. Elicaño, gusto ko lang pong magtanong ukol sa vaginal cancer. Totoo po ba na ang ina na uminom ng kung anu-anong gamot habang nagbubuntis ay may posibilidad na magkaroon ng vaginal cancer? Nag-aalala po kasi ako sapagkat may mga ininom akong gamot noon habang nagbubuntis ako sa aking bunso. May nakapagsabi sa akin na ang pag-inom daw ng mga kung anu-anong gamot ay nagiging dahilan ng cancer sa vagina. Ipaliwanag po ninyo Doc. Salamat. —CARLOTA S. ng Maria Clara St., Sampaloc, Manila.
Tanging ang pagkaka-exposed sa estrogen (diethyllystilbestrol) na ginamit habang nasa panahon ng pagbubuntis ang sinasabing dahilan ng vaginal cancer. Sa kaso mo, hindi mo naman sinabi kung anong mga gamot ang ininom mo habang ikaw ay nagbubuntis.
Ang vaginal cancer ay karaniwang umaapekto sa mga kababaihang may edad 45 hanggang 65 subalit maaari ring umapekto sa kahit anong edad. Ang isang uri ng vaginal cancer — ang embryonal rhabdomyosarcoma ay maaaring makaapekto sa mga sanggol at mga batang babae. Kumakalat ang vaginal cancer sa rectum at urinary bladder. Ang exposure sa human papilloma virus (HPV) ay maaaring makaempluwensiya sa development ng cancer sa vagina.
Sintomas ng vaginal cancer ang pagdurugo sa vagina lalo na kung nagtatalik, mahapding pagtatalik at pagkaka- roon ng watery discharge. Kapag nakakita ng sintomas, agad magpakunsulta sa doctor para maisagawa ang paggamot.
Magsasagawa ng operasyon ang doctor sa bahaging apektado. Maaaring magsagawa ng hysterectomy at pag-aalis ng kulani sa pelvis. Ang radiotherapy ay isa rin sa paraan ng treatment.