NAPAKARAMI palang matataas na opisyal ng gobyerno ang kumikita nang malaki sa pamamagitan ng panghuhuthot sa pondo ng kanilang mga ahensiya. Hindi lamang pala katulad ng mga pinuno ng MWSS ang nagbubulsa ng milyun-milyong piso kada buwan bilang suweldo at benepisyo nila kundi marami pa pala. Hindi kukulangin sa 10 pang ahensiya ng gobyerno ang kumukubra ng mas malalaki pang pera kaysa sa mga tinatanggap ng mga pinuno ng MWSS.
Ang pinuno ng SBMA ay tumatanggap ng P2.5 milyon buwan-buwan. Matindi rin ang sinasahod ng big boss ng Pagcor, GSIS, SSS at iba pa. Nagulat ang lahat nang lumabas ang mga balita. Mahigit pa sa P 2.4 bilyon na ginastos ng 10 ahensiya ng gobyerno ang hindi pa naire-report.
Walang dapat sisihin kundi ang mga matataas na opisyal na may kinalaman sa pagpapatakbo ng mga nasabing ahensiya. Dapat sana ay iminungkahi nila ang pagpapalabas ng isang panukala kung maaari mula sa Kongreso na magdedetalye kung magkano at kung anu-ano pa ang mga benepisyo ang dapat tanggapin ng mga opisyal at mga tauhan ng isang ahensiya. Banggitin na rin dito sana ang magiging termino ng bawat isa lalo na ang tungkol sa mga pinuno ng ahensiya.
Milyong piso ang napupunta sa ibang bulsa kaysa sa kaban ng gobyerno, maliwanag na talagang babagsak ang bansa. Napakaraming mahihirap ang mapapakain at marami ring mga bahay ang maipapatayo sa pamamagitan ng perang napunta lamang sa bulsa ng mga magnanakaw.
Sana ay maging mabilis ang pagkilos ng administrasyon ni P-Noy sa mga kawalanghiyaang nangyari noong nakaraang gobyerno. Nawa ay hindi palampasin ni P-Noy ang mga nagkasala upang magsilbing halimbawa sa mga bagong empleyado.