Larong buko
“HOW will you manage a hostage situation?” Dapat bang itanong na rin ito sa sa mga nagpiprisintang lingkod bayan? Maaring eksaherado subalit malinaw ang punto: gaano katagal at kamahal na matrikula ang babayaran ng bayan habang ang mga tinyente ng presidente ay nag-rerepaso pa sa kanilang mga katungkulan? Hanggang sa anong punto maaring patawarin ang isang may hawak na posisyon sa kanyang mga pagkukulang – kailan ito nagiging hindi mapatawad na kasalanan?
Muling lumitaw ang ugaling sumbatero ng Pilipino. Kanya-kanyang kuro-kuro ng tamang paraan ng paghawak sa krisis. Hindi tayo masisisi dahil trahedya ang kinahinatnan. Ang tanong ay ano nang mangyayari ngayon?
Siyempre walang magandang resolusyon sa kabanata kapag hindi mailabas ang katotohanan. At tanging ang isang malaya at independiyenteng imbestigasyon ang makapagbibigay nito. Malaki ang epekto ng agarang pag-file ng indefinite leave ni MPD Director Rodolfo Magtibay, ang ground commander ng mga pulis. Kahit papaano ay nabigyan tayo ng kumpiyansa na, di tulad nung panahon ni GMA, walang pagtatakip o whitewash na mangyayari at pananagutin ang mga mapapatunayang nagkasala.
Ang hinihintay ngayon ay kung ang delicadesang pinamalas ni Magtibay ay dapat bang asahan din sa mga mas mataas na nanunungkulan. Hiniling ng oposisyon na pagpaliwanagin ang mga kalihim ng DILG, ng Press Office at ang chief PNP kung bakit nila hindi naalalayan ng mabuti ang sitwasyon. Kung tourist bus ng mga Pinoy ang nabiktima ng ganito sa Hong Kong, pihadong nagresign na ngayon sa kahihiyan ang pinakamataas na ministro ng kagawaran na may kinalaman sa pangyayari. Siyempre, mayorya ng taga HK ay mapapasaya kung ang mga nabanggit na opisyal ay makahanap din ng ganoong klaseng delikadesa.
Mahirap na desisyon ang hinaharap ng mga sangkot na opisyal – maaring sa kanilang opinyon ay napakabago nila sa puwesto upang hingan ng pananagutan. Katunayan ay nagulat ang madla nang kaswal na aminin ni Sec. Robredo na nung napansin na niyang nasusundan ni Mendoza sa TV ang mga pangyayari sa labas, hindi niya sinigurado na ipatigil ito dahil akala niya ay may umasikaso nang iba! Kung ganito sila ka-relaxed, hindi nila nakikita na ang bawat araw sa puwesto ay pagsubok – hahamunin talaga ang iyong kakayahan at kung hindi ka mag-ingat, doon ka pupulutin sa kangkungan.
Maging si P-Noy ay dapat ding timbangin ang merito sa suhestiyong pagbitiwin ang kanyang mga tenyente.
Masyadong mahal ang matrikula bago tuluyang matigil ang larong buko at masanay sila sa kanilang katungkulan.
- Latest
- Trending