USO ngayon ang sakit, lalo sa panahon ngayon ubo, sipon, trangkaso at ang kinatatakutang dengue.
Kaya naman matao ang mga botika at bilihan ng gamot. Wala kasing pinipili ang sakit, mula bata, pati matanda hindi pinalalagpas ng karamdaman.
Babala: Mag-ingat sa mga nabibili niyong gamot. Sa kabila ng pagdami ng mga tinatamaan ng sakit, laganap ang mga peke, counterfeit, expired at mapanganib na gamot.
Peke, dahil arina o mga pekeng pulbos lamang ang laman ng mga kapsula o ng tableta.
Counterfeit dahil maaaring tunay ang laman ng gamot subalit may halo, kumbaga hindi na iyon ang orihinal na pagkakagawa o content.
Expired dahil may ilang malikhain na binubura ang expiration date na nakalagay sa pakete ng gamot.
Kung hindi naman mabubura, nakakalusot, doon sa mga hindi mabusising mamimili.
Mapanganib dahil mapa-imported o local man ito, hindi naman dumaan sa pagsusuri ng Bureau of Food and Drugs (BFAD) upang maaprubahan kung puwede nga itong pangkonsumo ng tao.
Kalimitan, ang mga ganitong medisina o gamot na tinutukoy ng BITAG ay nabibili sa mga bangketa, di-rehistradong botika at iba pang fly by night pharmacies.
At kung minsan may nabibili pa ng maramihan sa mga on line selling sa internet, kabilang na rito ang mga herbal supplements, bitamina at iba pa.
Ilan lamang sa mga palatandaan ay kataka-taka ang mura nitong halaga kumpara sa tunay na presyo nito sa merkado.
Kung makilatis kang tao, mapapansin mo agad ang kaibahan ng pakete o lalagyan ng mga gamot na ito.
Merong nabubura na ang tatak, bogus ang pangalan ng kumpanya at teleponong nakasulat, mali-mali ang ispeling na nakasulat at ang masaklap, expired na ang petsa na dapat ikonsumo ang gamot.
Kwidaw sa estilong ito dahil marami ang nagogoyo lalo na kung hindi mo hawak ang tunay na produkto para ikumpara sa mga ito. Sa kolum na ito, nagbibigay kami ng babala sa lahat. Nais rin naming hikayatin ang sinumang may impormasyon hinggil sa gawaan, bentahan at pagpapakalat ng fake, counterfeit at expired medicines.
Makipag-ugnayan agad sa aming tanggapan, kasama ang mga otoridad at ahensiya ng pamahalaan, ihahanda namin ang lambat na sisilo sa sindikatong nasa likod nito.