ANG kasalanang ginawa ng isang Pilipino ay buong bansa ang nagdurusa. Ito ang masaklap na parte ngayon. Nangangamba ang mga overseas Pinoy workers sa Hong Kong sapagkat nararamdaman na nila ang paghihiganti sa nangyaring hostage taking sa Quirino Grandstand noong Lunes. Walong Hong Kong nationals ang napatay sa 11-oras na hostage drama. Napatay din ang hostage taker na si Senior Insp. Rolando Mendoza nang lusubin ng mga SWAT at pulis.
Nadama na nga ang paghihiganti sapagkat isang OFW na ang sinibak sa trabaho isang araw makaraan ang hostage taking. Matindi raw ang galit ng employer sa nangyaring hostage taking kaya ang pinagbalingan ang kanyang maid na Pinay. Sabi ng Filipino Migrant Workers Union, may kaugnayan sa madugong hostage taking ang pagsibak sa maid na Pinay. Ayon pa sa grupo, maraming Pinay maid ang nangangamba na baka matulad din sila sa nangyari sa kasamahan.
Ang mga house helper sa Hong Kong ay maaa-ring sibakin agad-agad kahit walang paliwanag. Maaaring paalisin ang maid sapagkat hindi naman ito nakasaad sa Hong Kong Labor Law. Ito ang labis na ikinatatakot ng mga OFW kaya humihingi sila ng tulong sa gobyerno. Nararapat na mabuhusan nang “malamig na tubig” ang nag-aapoy na galit ng mga taga-Hong Kong.
Para maipakita ng mga Pinoy workers na nakikidalamhati sila sa pagkamatay ng walong Hong Kong nationals, mag-aalay sila ng misa sa St. Joseph Church, Garden Road sa Linggo (Aug. 29) ganap na alas-sais ng hapon. Ayon kay Judith De los Reyes, ito raw ay isang paraan para maipakita sa mga taga-Hong Kong na sila ay nakikiramay. Magsuot daw ng itim na damit.
Ang pag-alalay ng gobyerno ay kailangang-kai-langan ngayon. Gawin ang lahat ng paraan para maibsan ang nadaramang galit ng mga Hong Kong nationals sa pangyayari at nang hindi na madamay pa ang mga OFW. Kung nagkaroon ng pagkuku-lang sa hostage crisis, sa pag-ayuda naman sana sa mga OFW sa Hong Kong ay hindi naman ipagwalambahala. Nararapat nang kumilos para hindi na lalong lumaki ang problema.