(Ikalawang bahagi)
NUNG LUNES, nailathala ko ang reklamo nila Benjamin Ramos, Danny Rodriguez at Roland Molina mga residente ng Barangay Masagana, Project 4 Quezon City.
Pamemersonal na panggigipit umano sa kanila ng kanilang kapitana na si Jhet Ginete ang dahilan kaya ganon na lamang ang disenyo ng Barangay Hall. Inilipat at idinidikit ito sa kanilang mga bahay.
Nakiusap sila Benjie kaya pinagbigyan umano sila ni Kagawad Bucky Pumarada, OIC nung panahon na yun dahil si kapitan ay tumatakbong konsehal.
Ayos na sana subalit pagdating umano ni Kapitana Ginete, nabago ang lahat. Ibinalik umano ni Kapitana sa orihinal na plano na idikit ang bakod ng barangay hall sa naka hilerang bahay sa likod nila Benjie.
Nakita nila Benjie ang ‘contractor’ na si Engr. Edwin Fabian. Nagulat sila na makita ang plano na tatlo at limang metro (3.5 meters) na lamang ang pagitan ng bakod ng barangay mula sa kanilang gate.
Nagreklamo si Benjie sa Mayor’s Office. Personal niyang nakausap si Mayor Herbert “Bistek” Bautista. Inutusan ni Bistek si Engr. Chito Cabungcal na inspeksyunin ang lugar. Sinabi sa kanila ni Cabungcal na kalahating metro (.5 meters) lang ang kaya nilang iurong.
Nag iba-iba na ang plano. Bilang tulong, tinawagan ko si Mayor “Bistek” Bautista. Pinarating ko sa kanya ang problemang ito nila Benjie.
Mabilis nag-utos si Mayor Bistek kay Engr. Sabina Santos na ipahinto muna ang construction hangga’t meron pang usaping hindi naayos.
Kinabukasan, nakatanggap ng tawag si Benjie. Pinapapunta siya sa Engineer’s Office sa City Hall ng Q.C. Pagdating niya andun si Kapitana Ginete at ibang kagawad.
Pinaliwanag nila kay Benjie na yun na ang plano at hindi na mababago. Sinabi ni Benjie na konsiderasyon lang naman daw ang kailangan nila. Sinagot umano siya ng isang Engr. Geminiano Victa na lumipat na lamang sila ng Corinthian Gardens o di kaya ay gawing ‘sliding gate’ para makapasok ang sasakayan.
Isang araw pa lang ang lumipas, matapos naming makausap si Mayor Bistek umpisa na naman ang trabaho para sa pagtayo ng bakod ng barangay.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, tinawagan ko si Kapitana Ginete. Sa layon na baka maari kaming mamagitan para maayos ang relasyon ng mga residente sa likod ng barangay (sina Benjie) at nitong si kapitana Ginete.
May mga puntos ang kanyang paliwanag ng sabihin niya ang orihinal na harap nila ay sa Tamblot St. at hindi dun sa Conchu Extension. Dapat ang likuran nila ay sa kalye na tapat ng barangay. Dinagdag pa ni kapitana na karamihan sa garahe nitong mga nagrereklamo ay ginawang ‘extended’ sala at kumain na rin sila sa lupa ng barangay.
Ipinakita sa amin ni Benjie ang titulo ng lupa na nagsasabi na hindi sila kumakain ng lupa ng Barangay.
Inamin ni kapitana na nagkaroon nga ng insidente na nagasgas ang mga sasakyan nila Benjie. Tinanggap din daw niya lahat ng masasakit na salita na binitiwan ng mga galit na residente matapos ang pangyayaring iyon.
Nag-‘offer’ din daw siya na ipagawa ang mga sasakyan subalit ipinagtapat niya sa akin na ng malaman niyang mamahaling sasakyan ang mga ito hindi na niya itinuloy.
Diniretso ko si kapitana na ang pakiramdam nila Benjie ay pinepersonal sila nito kaya’t sinagad-sagad ang bakod para masiksik sila na isang paglabag sa mga karapatang ‘Easement’, ‘light and view’ at ‘right of way’.
Hindi daw siya ang magdedesisyon at pinapasa niya lahat kay Mayor Bistek. Nakiusap ako na baka maaring makipag diyalogo siyang muli sa mga residenteng nagrereklamo subalit mabilis siyang sumagot na ginawa na daw niya yun.
Maayos sana ang usapan namin subalit napansin ko na parati niyang ginagamit at ginagasgas ang pangalan ng batang Mayor ng Q.C. Ito’y napatunayan ko ng magbitiw siya ng mga katagang, “Ang boss ni Benjie ay media owner kaya’t marami itong koneksyon sa media,”.
Pa-Ingles pang sinabi sakin nitong talunang konsehala at nagbalik na Brgy. Captain, “That the Q.C government is closely monitoring pronouncements against the administration of Mayor Bautista,”
WOW, this really turns me on! Nanginginig ako sa takot kapitana. Sinagot ko naman siya na kaming mga media, kailanman hindi magpapatakot kahit sino pa ang sabihin mong nagbabantay sa mga pahayag namin.
Ang mga ‘public officials’ ay hindi dapat balat sibuyas dahil hindi naman ‘malisyoso’ ang mga naisusulat namin. Tinapos ko ang aming usapan ni kapitana dahil wala naman itong patutunguhan.
Hindi naman kailangang maging henyo ang isang tao upang maintindihan na kaya ninyo isinagad ang bakod upang maperwisyo ang mga residenteng umano’y sinisisi mo sa iyong pagkatalo sa pagtakbo bilang konsehal dahil lantaran silang kumampanya na huwag kang iboto. Pakisagot mo nga kung totoo nga ito kapitana?
Hindi na rin ako nagulat na hindi na sumasagot si Mayor Bistek sa aming tawag o ‘text messages’ dahil maaring ikaw ang nang-uurot na tinitira namin ang administrasyon ni Bistek. Walang katotohanan yan dahil mismong ang may-ari ng Star Group of Companies na si Cong. Sonny Belmonte alam kung gaano kami sumuporta kay Herbert at Joy Belmonte nung nakaraang eleksyon. Landslide ang pagkapanalo nila. Hindi ko alam kung bakit ka natalo. Baka hindi ka nila gusto dyan?
Nagpadala ako kay Mayor Bistek ng SMS (text message) na nagsasabing, “Will you kindly tell your Brgy. Captain Ginete to stop using you as a back stop and pitting you into a war against media by issuing statement that the Q.C government is closely monitoring pronouncements against your administration. No statement against you have come out so far FYI”.
‘Power hungry’ ba si kapitana? Maliban pa dito’y intregera ba si Kapitana? Kayong mga taga Barangay Masagana mas kilala niyo siya. Ang dami naming mga text messages na natanggap nasa susunod na artikulo tatalakayin pa namin.
Isang paalala sa batang Mayor na maaring nakakalimot. Ang mga maliliit na langgam ang nagtaguyod, sumuporta at tumulong sa iyong kandidatura para maging ama ng lungsod. Huwag mong hayaan ang bulong ng isang hantik ang mamayani dahil baka sa bandang huli isang maigting na kagat ang aabutin mo.
ABANGAN SA BIYERNES ang pagpapatuloy ng seryeng ito. EKSKLUSIBO dito lamang sa “CALVENTO FILES” sa PSNgayon.
Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 0921-3263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.