MANILA, Philippines - ISANG pulis lang ang naging dahilan para matakot ang mga taga-Hong Kong na magtungo sa Pilipinas. Iglap lang ang pangyayari at agad kinatakutan ang bansa. Inatasan agad ng Hong Kong government ang kanilang mamamayan na huwag mag-travel sa Pilipinas. Payo sa mga Hong Kong nationals na narito sa Pilipinas, doblehin ang pag-iingat. Ang pagbabawal na magbiyahe sa Pilipinas ang mga taga-Hong Kong ay malinaw ang epekto sa ekonomiya ng bansa. Babagsak ang turismo. Paano maipo-promote ang Pilipinas sa iba pang bansa gayung napanood sa buong mundo ang hostage taking na inabot ng 11-oras.
Dahil sa pulis na si Senior Inspector Rolando Mendoza, naguho ang magagandang plano ng Department of Tourism. Okey na sana ang takbo ng turismo at umaakit na ng mga dayuhan para sila magtungo rito nang biglang mang-hostage ang nag-iisang pulis at turista pa ang napili niya. Yung mga walang kamuwang-muwang sa problema niya ang kanyang kinasangkapan para marinig ang kanyang hinaing.
Desperado na si Mendoza sapagkat hindi raw siya nabigyan ng patas na hustisya. Dinismis siya ng Ombudsman noong 2009 makaraang akusahan ng robbery-extortion ng isang hotel employee noong 2008. Ang matindi, pinakain pa raw ng shabu ang biktima at saka hiningan ng pera. Pero umapela si Mendoza sa aniya’y hindi patas na hustisya. Iyon ang dahilan kaya siya nang-hostage. Malagim ang sinapit ni Mendoza sa naisip niyang paraan. Napatay siya ng mga lumusob na SWAT sa bus.
Pulis sana ang magpoprotekta sa mga turista. Dapat pa nga iniiskortan nila ang mga ito para hindi makanti ng mga kidnapper at iba pang masasamang-loob. Pero taliwas ang nangyari sapagkat ang magpoprotekta ang sumalakay at inihulog sa hukay ang mga turista. Ang ginawa ni Mendoza ay unti-unti nang madadama ng mga mamamayan. Apektado ang lahat sapagkat ang ekonomiya ang nakataya. Hindi lang mga taga-Hong Kong ang matatakot kundi pati iba pang dayuhan.