MAY katwiran si President Noynoy Aquino na ituloy na ang barangay election sa October 25 sa kabila ng pagtutol ng ilang trapong pulitiko. Mukhang nakikita na rin ni P-Noy na karamihan sa mga nakaupong barangay chairmen at chairwomen sa bansa ay sabit sa katiwalian at protector ng mga illegal na droga’t sugalan. Sangkot din sa krimen ang halos lahat ng angkan ng ilang nakaupong chairman kaya nararapat na silang husgahan sa puwesto. Ngunit nakapanghihinayang ang ilang chairman na may magandang nagawa sa kanilang constituents dahil nga sa masyadong maimpluwensya ang mga pulitiko sa ngayon tiyak na ang mananaig ay yung may maraming kapit sa mga congressmen at mayor.
Katulad na lamang sa nangyayaring pasakla sa Pasay City, karamihan pala sa mga chairman diyan ay nakikinabang sa biyayang galing sa gambling lord kaya hindi kayang patigilin ng mga pulis. At siyempre kung malawakan ang operasyon ng sugal tiyak ang kabuntot nito’y droga na sumisira naman sa mga kabataan.
Laganap ang nakawan, holdapan at patayan sa araw man o gabi sa Pasay dahil ang mga nakukulimbat ng mga kriminal ay napupunta sa kanilang bisyo. Ngunit may aksyon ba si Mayor Tony Calixto? Sa palagay koy wala dahil kitang-kita ang lantarang latag ng mga saklaan sa lahat ng sulok ng Pasay. Paano kasi, patuloy ang agos ng grasya sa bulsa nina Calixto at mga chairmen mula sa mga gambling lord.
Sa Maynila naman patuloy ang pamamayagpag ng mga video karera at bookies ng horse racing dahil protektado rin ng ilang chairman na may kasibaan sa atik kaya nagbubulag-bulagan ang mga ito. Karamihan pa nga sa mga ito ay madalas mang-arbor sa huli ng mga pulis. Kaya ang ginagawa na lamang ng mga pulis sa Maynila ay binabangketa o kaya’y hinuhulidap ang kanilang huling financers at bettors upang magkamal din ng atek mula sa ilegalista.
Sa Bgy. Sto. Cristo, Angeles City naman ini-reklamo naman ng isang Romy Malit ang kanilang barangay chairman na si Alvarado Mer matapos na magtalo ang mga ito sa lupa. Ayon kay Angelita Malit kapatid ng biktima, pinalo umano ang kanyang kapatid na si Romy sa ulo ni Chairman Mer sa kainitan ng pagtatalo. Mukhang hindi nagustuhan ang tangkang pagpalayas ni Romy sa kaanak ni Mer sa lupa na pag-aari ng mga Malit. Nabasag umano ang bungo ni Romy sa lakas ng palong tinamo kaya hindi na ito makapagsalita nang maayos . Ang masakit pa nito gumastos sila ng mahigit sa P1 milyon sa operasyon at gamot sa AUF Hospital ng Angeles City. Ngunit talaga yatang makapangyarihan si Mer dahil maging ang pulis sa Station 6 sa McArthur Highway, Angeles City ay tikom ang bibig at nakagapos ang kamay sa reklamo ng pamilyang Malit na sumisigaw ng hustisya. Hanggang ngayon ay nakalalaya si Mer at patuloy silang tinatakot. DILG secretary Jesse Robredo Sir, pakiimbestigahan mo si Mer at sina Insp. Jason Constantino at SPO3 Fernado Go dahil mukhang nagkaroon ng magandang usapan ito upang iligwak ang katarungang hinihingi ng pamilya Malit. Abangan!