Dagok sa imahe
ISANG dating pulis ang nang-hijack ng isang bus na may mga turista galing Hong Kong. Isinusulat ko ang kolum na ito, walo sa 25 hostages ang pinakawalan na. Ang dating pulis ay si Rolando del Rosario Mendoza, ay sinibak sa puwesto dahil sa extortion. Isang chef ng Mandarin Hotel ang nagsampa ng reklamo laban kay Mendoza at apat pang pulis noong Abril 2008. Ayon kay Christian Kalaw, pilit hinihingan daw siya ng P20,000, at pinipilit din siyang lumulon ng isang paketeng shabu. Pero dahil hindi na rin sumipot si Kalaw sa mga pangunahing imbestigasyon, ibinasura ang kaso. Ang gusto ni Mendoza ay pag-aralan muli ang kanyang kaso, at ibalik siya sa pagkapulis, kasama ang lahat ng suweldo niya at benepisyo.
Ano ang nangyayari sa mga pulis? Noong nakaraang linggo, isang pulis ang na-videohan na tinotorture ang isang suspek. Iniimbestigahan na ang nangtorture na pulis.
Kahit ano pa ang sabihin, ang pag-hostage sa mga turista ay hindi tamang pamamaraan para mabigyan ng pansin ang problema ni Mendoza. May tamang proseso para sa ganyang mga reklamo.
Ano na ang mangyayari sa turismo natin, lalo na mula sa mga turistang galing Hong Kong! Hindi pa natatapos ang paglinis sa mga basurang iniwan ng dating administrasyon, may nadagdag naman sa imahe ng Pilipinas!
Mabuti siguro’y isama na rin ang lahat ng pulis at sundalo sa drug at psychological testing. Lahat na ba ng mamamayan ay nasa peligro kapag bumigay na ang isang pulis o dating pulis? Dahil sila ang may mga armas, kahit kailan ay pwede nilang gawin ang ganitong krimen? Kung sinibak na sa pagkapulis, bakit may mahabang armas pa si Mendoza? Pinagdadasal ko na lang na matapos ang hostage-taking na walang karahasan. Kawawa naman ang mga inosenteng turista na madadamay na pakay lang ay makita ang Pilipinas. Dagok na naman ito sa imahe ng PNP.
- Latest
- Trending