Kampon ni Arroyo walang pagkabusog
PABALAT-BUNGA lang ang angal ng Lakas-Kampi congressmen ni Rep. Gloria Arroyo sa pagbawal ng pagkaratula ng pangalan at retrato nila sa mga proyekto. Iba ang tunay na pakay kung bakit ipinatawag nila si Public Works Sec. Rogelio Singson sa pulong. Ito pala’y para ipa-release kay Singson ang P10.6 bilyong congressional insertions nila sa public works department. Kumbaga, tong-pats na naman ang habol nila.
Public works ang proyektong paboritong pag-kickback-an ng mga kawatang mambabatas. Kunwari’y walang control ang mga kongresista at senador sa pera at kontratista, at taga-lista lang sila ng ilalatag na kalsada, tulay at flood-control. Pero sa totoo, niluluto ang bidding para manalo ang paboritong kontratista. Ito ‘yung nagbibigay sa kanila ng kickback na di-bababa sa 25% ng halaga ng proyekto. Kung sabik na sabik ang minority congressmen sa ilalim ni Arroyo na ma-release ang P10.6 bilyon, ito’y para maka-komisyon na sila.
Inipit ni Singson ang pondo sa pakiusap ni Budget Sec. Butch Abad. Isiningit kasi ni Arroyo mismo sa 2010 Budget Law na ipamamahagi ang congressional insertions kapag lamang nagpasa ang Kongreso ng bagong batas para magkapera ang gobyerno. Ngayon, nais labagin ng Lakas-Kampi ang sariling alituntunin ng pinuno nila.
Sa totoo lang, nilabag na nila ito nu’ng Presidente pa si Arroyo. Nag-release nu’ng Marso si noo’y-budget chief Rolando Andaya Jr. ng pera sa mga kapartidong Lakas-Kampi, saka siya nag-resign para kumandidatong congressman. Ang palusot niya sa pag-release ay dahil umano’y merong savings mula sa budget item na pag mumulan ng P10.6 bilyon. Kabulaanan ‘yon. Ang insertions ay galing sa dapat na pambayad-utang ng gobyerno. Walang savings doon. Kung tutuusin nga, tumaas pa ang utang ng gobyerno dahil sa pagkawaldas ng administrasyong Arroyo.
Sinabi ko na ito, pero uulitin ko: Mabuti pa ang linta, kapag nabusog, bumibitaw na. Pero ang mga ito, walang pagkabusog.
- Latest
- Trending