Pera ng bayan gamit nila sa pagpapasikat
PINALAKPAKAN ang panukalang-batas na ibawal ang pagsasa-karatula ng identity ng mga politiko sa mga proyekto. Pero kontra ang mga katoto ni Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Importante kuno na ilagay ang pangalan at retrato nila sa mga ambulansiya, tulay, bote ng gamot, o ano pa man. Ito raw kasi ang paraan para masukat ng publiko kung epektibong pinuno sila.
Kabalbalan ang katuwiran ng mga Lakas-Kampi ni Arroyo. Kasing buktot ito ng kanilang pamamahala nang siyam-at-kalahating taon.
Hindi masusukat ang galing ng politiko sa dami ng waiting sheds na ipinatayo niya. Masusukat siya sa pagka-wasto ng ginawa niyang mga proyekto at kung magkano ang nagasta niya sa mga ito.
Maghalimbawa tayo ng isang bayan sa kanayunan na maraming walang trabaho. Ang ginawa bang proyekto ng mayor ay nagpatayo ng dose-dosenang basketball court para malibang ang mga istambay, at saka ito kinabitan ng mga karatula na nag-aanunsiyong, “Proyekto ni Mayor Juan dela Cruz”? Kung oo, kababawan ang ginawa niya. Pero kung ang inatupag ni mayor ay ang pag-enroll sa mga walang trabaho sa skills training, at naghanap ng micro-lending institutions para tulungan sila magka-negosyo, e di mas malalim na tulong at serbisyo na nagawa niya. Ito’y miski walang pagkakabitang karatula ang proyekto.
Pero kung mahilig din lang magpa-karatula ang mga kampon ni Arroyo, o sige, gawin nila. Pero huwag sila huminto sa pagpapaskel lang ng pangalan at retrato. Idetalye na rin nila kung ano ang materyales na ginamit sa proyekto, sinu-sino ang bidders at suppliers, at magkano ang mga presyo. Ehemplo: Kung farm-to-market road, ilahad nila kung ilang kilong reinforcement bars, ilang sakong semento, at ilang lata ng graba at buhangin ang nagamit sa kung anong kapal na kalsada. Sa ganu’ng paraan malalaman ng madla kung malinis o may tong-pats ang proyekto.
‘Yan ang wastong panukat sa politiko.
- Latest
- Trending