LUMALABAS na ayaw makinig ng mga opisyales ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mungkahi ng Davao City government na ibalik sa dating security arrangement ang Davao City airport.
Kahit nga na nangyari na ang pagputok ng bomba kalian lang sa arrival area ng Zamboanga City airport, patuloy pa rin na pinapairal ng mga otoridad sa Davao City airport ang bago nitong security arrangement na kung saan pwede nang makalapit ang mga sasakyan sa main terminal building para sa disembarking at loading ng mga pasahero.
Talagang napakadelikado na ng bagong system ngayon sa Davao airport dahil nga nawala na ang buffer zone na dapat maghiwalay sa mga sasakyan at sa main terminal building nito.
Lesson learned na sa mga taga-Davao ang 2003 airport bombing na kung saan may higit 20 katao ang namatay at sobra 200 ang sugatan nang pumutok ang isang bomba sa waiting shed ng old Davao airport.
Ito ang naging batayan ni Davao City Mayor Sara Duterte upang ipag-utos ang agarang review ng pangkasalukuyang security arrangement sa Davao airport.
Nakapag-submit na nga raw ng recommendation ang city government sa CAAP officials ukol nga sa pag-balik sana sa dating security arrangement sa Davao airport.
Ngunit ang naging tugon nga lang daw ng mga CAAP officials sa request ng Davao City government ay ‘wala namang nagrereklamo sa pinaiiral na security arrangement’.
Wow naman! Hintayin pa ba nating may mangyari bago marinig ng mga taga-CAAP ang reklamo ng riding public.
Ito ay panawagan kay CAAP chief Al Cusi. Sir Al, naman, makinig naman po kayo sa concerns ng Davao City government dahil kung tutuusin pag may nangyayari sa Davao airport ay ang city government ang nasa frontline at hindi ang CAAP.
Alalahanin ninyong mga taga-CAAP, partikular na kay Davao City airport chief na si Engr. Frederick San Felix, na pag may pumutok na bomba o kahit anong emergency situation na mangyayari sa airport, ang Davao City government naman ang nagpo-provide ng suporta gaya ng services ng 911 central emergency response center.
Sir Al Cusi, makinig naman po kayo sa mungkahi ng Davao City government at maging ng Aviation Security Group (ASG) na ibalik sa dati ang security arrangement ng airport na kung saan kahit paano ay may buffer zone nga.
Kung ang iniisip ng CAAP ang convenience ng mga pasahero na gumagamit ng Davao City airport, sana naman ay isipin din ng mga opisyales nito na mas importante ang security ng mga tumatangkilik ng nasabing paliparan.