“Dear Dr. Elicaño, ang aking tatay ay matagal nang naninigarilyo. Binatilyo pa lamang siya at nagsisimulang magtrabaho sa bukid ay naninigarilyo na. Umuubos daw siya ng dalawang kaha ng sigarilyo sa maghapon. Wala naman daw siyang nararamdaman na kakaiba sa kanyang katawan. Pero ngayong siya ay 70-anyos na, madalas na ang kanyang pag-ubo at ang sabi niya kapag dumudura siya ay may kasamang dugo. Hindi namin siya maipa-x-ray dahil lagi kaming kapos sa pera. Sa palagay mo Doctor, may cancer na sa baga ang aking ama. Please help.” ---CONRADO MAGCAMIT, Sablayan, Occ. Mindoro
Ang paninigarilyo ay isa sa pangunahing dahilan ng cancer sa baga. Sinasabing 80 hanggang 85 percent ng cancer sa baga ay dahil sa paninigarilyo. Ang exposure sa mga substances na kagaya ng asbestos at iba pang organic chemicals ay iniuugnay din sa cancer sa baga. Ang pagkakalanghap ng second hand smoke ay isa rin sa mga itinuturong dahilan.
Ang mga sintomas ng cancer sa baga ay ang sumusunod: madalas o sunud-sunod na pag-ubo, dura na may kasamang dugo, hinahabol na paghinga, pananakit ng dibdib at balikat at pamamaga ng mukha o leeg.
Para ma-detect o ma-diagnose ang cancer sa baga, kinakailangang sumailalim sa chest x-ray, pagsuri sa sputum at ang tinatawag na bronchoscopy (fiber-optic exam of the lung passages).
Madalas kong ipinapayo sa lahat na kapag may naramdaman o nakitang kakaiba sa katawan, nararapat na kumunsulta sa doctor at nang masuri. Hindi dapat ipagwalambahala o ipagpaliban ang pagpapa-checkup. Lahat ay mayroong paraan. Kadalasan, nagpapakunsulta lamang kapag ang sakit o ang cancer ay nasa talamak na stage na.
Ipinapayo ko rin na huwag manigarilyo. Sa kasalukuyan, parami nang parami at pabata nang pabata ang naninigarilyo. Hindi mabuti ang paninigarilyo na nagdudulot ng cancer sa baga.