SUMASAILALIM daw sa human rights training ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP). Nalalaman daw ng mga pulis ang karapatan ng bawat isa at hindi maaaring labagin ito. Kaila-ngang may due process dahil sa batas ang lahat ng tao ay pantay-pantay. Pero sa ipinakitang video na inilabas ng ABS-CBN Channel 2 noong Martes, tila kakaibang training ang pinagdaanan ng mga pulis na nakatalaga sa Asuncion-Police Community Precinct sa Tondo, Manila.
Tila ang pinag-aralan ay kung paano paaaminin ang suspek sa pamamagitan ng pagtatali sa “etet” nito at saka hihilahin kapag hindi nagsabi. Habang binabatak ang tali ay pinapalo pa ang suspek na hubo’t hubad na nakahiga sa suwelo. Habang hinahatak ang tali na nakakabit sa “etet” ng suspek ay walang tigil sa pagsasalita ang pulis. Kapag hinahaltak ng pulis ang tali ay napapaiktad ang suspek sa sakit. Sinong hindi masasaktan sa ganoong uri ng torture? Habang isinasagawa ang pagtorture ay nakita naman ang ilang pulis na nakaupo at pinanonood ang pagtorture.
Ang tumutorture umano sa suspek ay walang iba kundi ang hepe mismo ng Asuncion PCP na si Senior Ins. Joselito Binayug. Sinibak na sila sa PCP at nasa custody na ng hepe ng Manila Police District. Pumasok na sa imbestigasyon ang NBI at maski ang Human Rights Commission ay nagsisimula nang mag-imbestiga. Sabi ng Department of Justice, mananagot ang mga torturer.
Sumailalim nga ba sa human rights training ang mga pulis? Sa nabunyag na pagpapahirap para paaminin ang suspek, lumalabas na walang nalalaman sa karapatang pantao ang mga pulis sa Asuncion-PCP. Umano, may mga lumutang na ring mga tao na dumanas ng pag-torture mula kay Binayug.
Bukod sa pagkuryente, pagtubig, pagkalabit sa gatilyo ng baril na iisa ang bala, paglalagay ng supot sa ulo at mukha at paglulubog ng ulo sa timba na may tubig, ginagawa rin pala ang pagtatali sa “etet” para mapaamin ang suspek. Grabe ito! Malupit. Hindi makatao.
Parusahan ang nang-torture kapag napatunayan. Hindi lang dapat sibakin sa PNP kundi dapat ikulong nang habambuhay. Doon bulukin para maranasan ang hirap.