Aksidente na naman!

ISANG pampasaherong bus na galing Baguio at patungong La Union ang nawalan ng kontrol at nahulog sa isang tatlumpu’t limang talampakang bangin! Apatnapu’t isa ang patay. Nadagdagan na naman ang mga nahulog na bus! Darating ang panahon, wala na sigurong sasakay sa mga bus dahil ang tingin sa mga ito ay kabaong na may gulong!

Ayon sa kunduktor na nakaligtas dahil tuma­lon siya bago nahulog ang bus sa bangin, nawalan ng preno ang bus at hindi nakontrol ng drayber. Ibabangga pa sana sa isang punong mangga para hindi mahulog pero sumala at tuluyang nalaglag. Sa aking pagkakaalam sa pagtatanong ko sa mga kaibigan kong mahihilig sa kotse, hindi naman basta-basta nawawalan ng preno ang isang sasakyan kung inaalagaang mabuti. Pagkukulang kaya ng mga kumpanya sa pag-aalaga ng kanilang mga sasakyan ang dahilan ng aksidente? Kadalasan ay ginagawan na lang ng remedyo ang mga nasisira sa mga sasakyan ng isang kompanya para makatipid, para mas malaki ang kita. Kaya kadalasan ang mga naaaksidente kung saan nawalan daw ng kontrol ay mga pampublikong sasakayan katulad ng bus at jeepney. At kahit may mga ganitong pangyayari, tila hindi pa rin natututo ang lahat.

Ang kaayusan ng mga sasakyan ay importante sa mga kompanyang banyaga katulad sa Amerika at Europa. Madalas ang inspeksyon, madalas ang testing. Kapag may pabaya, ka­dalasan aksidente rin ang nagaganap, pero ma­­dalang. Dahil kung mapapatunayang naging pabaya sa pag-aalaga ang kompanya na naging sanhi ng isang aksidente, maaaring ipatigil na ang kanilang operasyon, bukod sa matinding multa at kulong.

Sa Pilipinas, dahil hindi naman mabibigat ang parusa sa mga ganyang insidente, bukod sa lahat nadadaan sa areglo, o anumang “usapan”, patuloy pa rin ang hindi pag-aalaga nang husto ng mga sasakyan. Hindi lang sa bus natin nakikita ito, kundi sa jeepney, taxi, barko, pati na rin mga eroplano na nagka-crash. Kailangang baguhin ang nakasanayang ugali na ito. Isaayos at ala­gaan ang mga sasakyan bago ibiyahe. Huwag ipain sa panganib ang mga pasahero!

Show comments