TATLONG malalagim na aksidente sa pampasaherong bus ang nangyari ngayong taon na ito. Ang pinakahuli ay ang nangyari kamakalawa ng umaga sa Bgy. Sablan, Benguet kung saan nahulog sa bangin ang pampasaherong bus galing Baguio at patungong La Union. Isa namang kabaong na nag-anyong bus ang nagbulid ng mga kawawang pasahero sa hukay. Pinakamalagim na aksidente ito sapagkat 42 katao ang namatay makaraang mahulog sa 150 talampakang bangin ang ESO NICE Bus. Namatay din ang drayber ng bus kahapon. Masuwerte namang nakaligtas ang konduktor at ito ang nagkuwento ng mga nangyari. Bago raw tuluyang nahulog sa bangin ang bus ay nakatalon siya. Nawalan daw ng preno ang bus kaya nangyari ang aksidente. Ibabangga umano ng drayber sa isang punongkahoy para mapigilan ang paghulog sa bangin pero hindi tumama roon at sa halip ay nagtuloy-tuloy ito. Napakabilis daw ng pangyayari.
Lagi na lamang ang pagkasira ng preno ang dahilan kapag nagkaroon nang malalagim na aksidente. Pumalya ang preno kaya nahulog sa bangin. Laging ganito ang problema. Ibig sabihin, hindi muna iniinspeksiyon ang bus bago ibiyahe. At sa kaso ng ESO NICE Bus, ibiniyahe ito sa delikadong lugar na hindi nainspeksiyon kung kumakagat ba nang ayos ang preno. Kung ganoon, kapabayaan ng drayber at may-ari ng bus ang pangyayari. Dapat managot ang may-ari ng ESO NICE. Hindi na dapat bigyan ng pahintulot na makapagbiyahe.
Pagkasira rin ng preno ang dahilan kaya nahu-log sa 30 talampakang bangin ang tourist bus sa Bgy. Cansomoroy, Cebu noong Hunyo 13, 2010 kung saan 20 ang namatay na karamihan ay Iranian medical students. Palusong umano ang bus nang mawalan ng preno.
Nasira rin daw ang preno ng pampasaherong VJ & A Bus Co. nang bumangga sa konkretong pader sa Toledo City, Cebu at 15 ang namatay.
Patuloy na bumibiyahe ang mga Kabaong Bus Line at tila walang ngipin ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bus na ibinibiyahe kahit may depekto. Kung kailan nagkaroon ng trahedya saka lamang kikilos ang LTFRB. Higpitan ang mga kompanya ng bus. Igarahe ang mga “kabaong” at huwag hayaang bumiyahe.