MATAGAL nang problema ang mga nakatiwangwang na kalsada na basta na lamang iniiwan ng mga pribadong kontraktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Inaabot nang maraming buwan bago tapusin ang kanilang hinukay. Ang matindi pa, sisimulan nilang hukayin ang kalsada sa panahon ng tag-ulan, sa panahon ng opening ng klase o kung kailan malapit nang sumapit ang holiday season. At ang resulta ng ganitong masamang sistema ay ang trapik, maruming kapaligiran, pagbaha at kawalan ng kaayusan sa lugar kung saan may paghuhukay.
Noon pa ay binabatikos na ang DPWH sa nangyayaring ito pero ang reklamo ay dumadaan lang sa kanang taynga at lumalabas sa kaliwa. Wala silang pakialam kahit na maging dahilan ng trapik, magbaha o dumumi man ang kapaligiran dahil sa mga paghuhukay at pagkatapos ay inaabandona. Hindi nila nararamdaman ang hirap na dinaranas ng mga motorista at mga pasahero.
Hindi lang ang mga kontraktor ng DPWH ang gumagawa ng ganitong masamang sistema kundi pati na rin ang mga pribadong kompanya. May mga kompanya ng telepono, tubig, kuryente, cable at gas ang naghuhukay sa kalsada. Paano kung nagkasabay-sabay ang kanilang proyektong paghuhukay sa kalsada? Ang mamamayan ang unang-unang apektado kapag nagkaganito ang sitwasyon. Sila ang napeperwisyo. Apektado rin ang ekonomiya sapagkat mabagal ang usad ng mga nagta-transport ng produkto dahil sa trapik. Sa halip na bumilis ang pagbibiyahe at makarating sa destinasyon, atrasado ang marami.
Ang ganitong gawain ng mga kontraktor na naghuhukay sa kalsada at iiwanang nakatiwangwang ay hindi na uubra kapag naipasa ang House Bill No. 119 ni Manila Rep. Carlo Lopez. Sa panukalang batas ni Lopez, kailangang tapusin ng sinumang maghuhukay sa kalsada ang kanilang proyekto sa loob ng 72 oras. Kapag hindi tinapos sa takdang oras, makukulong ng isang taon at pagmumultahin ng P50,000 ang may-ari ng kompanyang naghukay.
Nararapat ang batas na ito para naman magka-roon ng disiplina at takot ang mga kontraktor. Sa aming opinion, kulang ang isang taon at P50,000 na parusa at multa. Dapat dagdagan para masindak ang mga mag-iiwan na nakatiwangwang ang kalsada.