Huwag ibenta ang PAGCOR
KAILAN man ay hindi ako pabor sa sugal. Legal man o hindi. Pero tutol ako sa panukalang pagbebenta sa pribadong sector ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Napabalita nung isang linggo na nag-alok ang vice chairman ng San Miguel Corp. na si Ramon Ang ng $10 bilyon para bilhin ang PAGCOR. Sabi ni President Benigno “Noynoy” Aquino Jr., dapat pag-aralan ito at ikonsidera ang ibang bid na maaaring mas mabuti. Seryoso ang administrasyong Aquino na ibenta ang PAGCOR.
Ang PAGCOR ay nilikha ng isang dikreto ni yumaong Presidente Ferdinand Marcos. Hindi puwedeng ibenta nang basta-basta na hindi dumaraan sa lehislasyon ng Kongreso. Pero magpatibay man ng batas ang Kongreso na magbebenta sa PAGCOR, hindi pa rin ako pabor. Sabihin mang bilyun-bilyong piso ang ipinapasok na revenue nito sa kaban ng bayan na nakatutulong daw sa pagtataguyod ng mga proyekto sa kabutihan ng bansa.
At yan na nga ang kakatwa. Nagpapasok ng mala-king revenue sa kabang-bayan tapos ibebenta? Kapag may ibinentang asset ang pamahalaan, madalas may katiwalian. May tumitiba, may tumatabo ng bilyones. Tapos yung mga nalamangan, magiging “whistle-blower” at magkakaroon ng malaking isyung bubusisiin ang Senado.
Mabuti pa siguro’y i-redefine na lang ang gawain ng PAGCOR at mag-focus sa mga pagtatayo ng tourist facilities gaya ng theme park na mala-Disneyland pero walang sugalan. Noong araw, naglaro din ako ng slot-machine. Nakita ko yung mga sugapa sa sugal na kapag nawalan ng pera ay lalapit sa iyo at manghihingi kundi man magsasanla ng relo, alahas o cellphone.
Naririyan din yung mga sugarol na dumating na lulan ng magarang kotse at umuwi nang naka-taxi na lang. Naisanla na ang sasakyan! Napakasamang bisyo! Ludomania ang tawag diyan o labis na pagkahumaling sa sugal. Kapag nananalo ibig maragdagan ang panalo at habang natatalo, ibig makabawi. Resulta, uuwing luhaan.
Kawawa lalu ang bansa natin kung ito-tolerate ang pagsusugal ng mga Pilipino. Lalung darami ang maghihirap.
- Latest
- Trending