Editoryal - Magastos na barangay at SK elections
MANILA, Philippines - ALAM n’yo ba kung magkano ang kabuuang magagastos ng Commission on Elections sa pagdaraos ng barangay at Sangguniang Kaba-taan (SK) sa Oktubre 25, 2010? Nasa P3.4 billion lang naman. Noong Biyernes natapos ang registration para sa barangay elections at kahapon naman ang para sa SK. Sabi ng Comelec, wala nang hadlang para hindi mairaos ang barangay at SK elections. Si President Noynoy Aquino ay nagsabing dapat nang ituloy ang election. Ilang beses nang naipagpaliban ang barangay at SK elections sa nakaraan dahil daw sa kawalan ng pondo.
Malaking pera ang isinusuka sa dalawang election na ito kung tutuusin ay maaari namang maiwasan. Puwede namang huwag nang magdaos ng election at ipaubaya na lamang sa mga mayor ang pagpili sa barangay at SK chairman. Bilyong piso ang matitipid kung hindi na magkakaroon ng election. Ilaan na lamang ang pondo para sa mga proyektong mahalaga na makatutulong sa mga taga-barangay
Ngayong ang pamahalaan ay tigang na sa pondo, dapat hindi na magdaos ng barangay at SK elections. Si President Aquino na rin ang nagsabi sa kanyang SONA na karampot na lang ang natira sa budget gayong kalagitnaan pa lamang ang 2010. Maraming problemang iniwan ang Arroyo administration kaya dapat ay maghanap ng paraan kung paano mapupunan ang kakulangan sa budget. Kaya nga ang pagtitipid ang dapat na ipatupad.
Kung ang mayor ang mag-aappoint ng barangay at SK chairman, masisigurong ang mga plano niya at mithiin ay maisasakatuparan sa kanyang mga nasasakupan. Ilalatag niya ang mga balakin sa barangay at SK chair at saka gagabayan. Sa kasalukuyan, maraming barangay chairman na hindi kaalyado ng mayor ang nagiging kalaban at nagdudulot pa ng mga kaguluhan sa barangay. Sa halip na umunlad ang barangay, paurong ang buhay at hindi matamo ang kaunlaran at kapa-yapaan. Panahon na para magkaroon ng pagbabago sa mga barangay at hindi ito maisasakatuparan sa pamamagitan ng magastos na election.
- Latest
- Trending