WOW naman, daming bukol ni President Noy! Nanawagan ang Malacañang sa lahat ng mga elected officials na huwag nang ipaskel ang kanilang mga pangalan sa mga proyektong itinatayo. OK sana. Pero minsang patungo ako sa opisina, napansin ko na yung dating “Gwapotel” ni Bayani Fernando diyan sa may Abad Santos ay ginawa nang “P-Noy MMDA Workers Inn.” Lahat ng mga Gwapotel ay ipinangalan na kay P-Noy!.
Marami ang naniniwala sa integridad ng ating Pa-ngulo kaya ingat siya sa mga palpak na payo mula sa mga nakapalibot sa kanya. Noong una’y nagpakita ng arogansya ang dalawa sa mga miyembro ng kanyang gabinete sa media. Yun ang bukol number one.
Ang pagkakasibak kay Prisco Nilo bilang PAGASA chief ay isa pang bukol. Magaling at may integridad si Nilo. Kung pumaltos man ang ahensya sa weather forecast, ito’y dahil sa mga obsolete na kasangkapan. “Wrong advice again.” Ang mahusay na leader ay alam kung anong payo ang pupulutin at kung alin ang ibabasura.
Ang balita ko pa, ang dati kong kasamahan sa Voice of the Philippines na ngayo’y director ng Philippine Broadcasting Service na si John Manalili ay, pinag-iinteresan ng kung sino ang puwesto. Nagsimula na ang isang demolition job laban sa kanya sa mga tabloid. Si John ay Career Executive Service Official (CESO), mahusay sa trabaho at may integridad na ako mismo ang makapagpapatu- nay. Kapag siya’y pinalitan ng sino mang “malakas ang kapit”, bukol na naman iyan kay P-Noy.
Heto pa ang ilang bukol. Ano ang karapatan ng Executive department na ibenta ang PAGCOR na isang ahensiyang nilikha ng Kongreso? Obviously, kapag nagkabentahan tiyak na may titipak ng multi-bilyones. At ano rin ang poder ng BIR na magpataw ng buwis na wala sa batas tulad ng 12 porsyentong VAT na sisingilin sa mga nagdaraan sa tollways? Sinabon nga nina Sen. Recto at Senate President Enrile ang hepe ng BIR at sinabihang tagapagpatupad lang ng batas ang BIR at hindi ubrang gumawa ng batas at will.
Mabuti na lang at nagpalabas ng TRO ang Korte Suprema na pumipigil sa pagpapataw ng VAT sa mga motoristang dumaraan sa mga tollways.
Sana plantsahin na ng Pangulo ang mga aberyang nasisilip para magtagum-pay ang kanyang liderato. Huwag sanang masamain ang puna.
PROVERBS 27:5 An open rebuke is better than hidden love.