Editoryal - Puwersahang Pag-IBIG
MANILA, Philippines - HINDI puwedeng umalis ang isang OFW hang- ga’t hindi siya nagmimiyembero sa Pag-IBIG fund at magbayad ng P600 advanced contributions. Kapag nakapagbayad na ng P600 ang OFW saka lamang siya iisyuhan ng Overseas Employment Certificate (OEC) at maaari na siyang makalipad patungo sa bansang destinasyon. Ito ang bagong kautusan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Nakapaloob ito sa POEA Memorandum Circular 06 na inisyu noong Hulyo 7, 2010.
Kung walang P600, hindi makaaalis ang OFW. Kawawa ang mga “bagong bayani” sa kautusang ito. Kasi’y ang mga OFW, karamihan sa kanila walang pera kapag aalis ng bansa. Kaya nga sila magtutungo sa ibang bansa ay para maghanap ng pera. Kung pagbabayarin sila ng advanced P600 para sa Pag-IBIG fund, para na rin silang hinoldap. Sa halip na iiwan na lang nila sa pamilya ang P600, ibabayad pa sa Pag-IBIG. Alin ba ang mas mahalaga ang Pag-IBIG o pamilya na ang bawat sentimo ay mahalaga?
Mabuti na lang at nakialam si Vice President at Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) chairman Jejomar Binay at sinuspinde ang “puwersahang Pag-IBIG”. Sabi ni Binay, hindi dapat dagdagan ng pasanin ang mga OFW. Pag-aralan muna kung tama na pagbayarin ng advanced ang mga OFW. Dapat daw ay may transparency sa prosesong ito. Kunsultahin daw muna ang mga apektadong sector ukol sa bagay na ito.
Kung hindi nakialam si Binay, baka ang mga umaalis ngayon na OFW (o may mga nakaalis na) ay nakapagbayad na ng advanced P600. Puwersahan silang nagbayad dahil hindi sila iisyuhan ng OEC. Sa halip na ibigay na lang sa pamilya ang pera ay ibabayad muna sa Pag-IBIG.
Oo nga at ang perang inihulog ng OFW ay maiipon at maiwi-withdraw nila sa pagdating ng panahon, pero ang masama’y sapilitan ang pagbabayad dahil nga sa iisyung OEC. Paano nga kung walang pera ang aalis na OFW? Hindi dapat maging puwersahan ang paghuhulog ng OFW sa Pag-IBIG. Kung sino lamang ang gustong magmiyembro, sila na lang ang magkusang magbayad. Walang puwersahan na pati ang perang ibibili ng ilalaman sa bituka ay aagawin. Mapait na Pag-IBIG ang kalalabasan niyan!
- Latest
- Trending