Loyola, Cachuela at Fontanilla

MAG-INGAT sa grupo ng mga manggagantso na ang kinakaladkad ay ang pangalan ni presidential sister Balsy Aquino-Cruz. Marami nang nagoyo ang grupo at milyon-milyon na ang pumasok sa kaban nila. Ang nasa likod ng grupo, ayon sa kausap ko sa intelligence unit ng Manila Police District ay sina Leo Loyola, Rey Cachuela at Ely Fontanilla. Maliban kay Balsy, ipinangangalandakan din ng grupo na bagyo sila kina DILG Sec. Jesse Robredo at PNP chief Dir. Gen. Jesus Verzosa. Ang huling biktima ng grupo ay ang Batangas bloc na sumuka ng P9 milyon. Alamin mo kay ret. Col. Quimio Sec. Robredo Sir at hanggang ngayon ay nagngingitngit pa siya. Nakapanloko na rin ang grupong ito sa Quezon City, Pateros, Taguig City, Muntinlupa City, Parañaque City, Las Piñas City, Pangasinan, Baguio City at Nueva Ecija. Sa ngayon, ang target ng grupo ay ang Makati City.

Ganito ang sistema ng grupo. Lalapitan ni Loyola ang mga financiers ng jueteng at hihikayatin ito na magtayo ng naturang negosyo sa isang lugar. Magpapakilala si Loyola na pamangkin ni Hermie Aquino at nagwo-work siya sa office ni Balsy Cruz. At dito papasok sina Cachuela at Fontanilla at ibabando na bagyo sila kina Robredo at Verzosa. Sina Cahuela at Fontanilla rin ang tong kolektor ng DILG ni Robredo at ang “Police Tong Unit” ng Camp Crame. Eh sino ba naman ang tatanggi sa grasya kung ganito kalakas ang nasa likod ng kausap?

Bago kumilos, kukuha muna ng milyon sina Loyola, Cachuela at Fontanilla sa nabingwit nilang financier ng jueteng bilang advance payment para sa mga national at local na butas. At kapag nasa kamay na nila ang pera, mamimili ang grupo ng lugar na papasukan nila. Kapag nagkaroon ng problema, kunwari tatawag si Fontanilla kina Robredo o Verzosa para palabasin na me ginagawa silang paraan. Magugulat na lang ang financier na wala na sa tabi niya sina Loyola, Cachuela at Fontanilla. Goodbye na lang sa milyones niya.

Wala namang sinasaktan ang grupong ito, kundi ang bulsa ng financier na naghahangad ng “kagitna,” di ba Col. Quimio Sir? Eh paano mo sila hahabulin sa ngayon, eh super bagyo ang binabanggit nila tulad nina Balsy Cruz, Hermie Aquino, Sec. Robredo at PNP chief Verzosa? Simpleng raket lang ito subalit kapag hindi kumilos si P-Noy, eh baka pati pangalan niya ay makaladkad ng grupo. Sa totoo lang, simpleng estafa lang ang puwedeng ikaso sa grupo.

Ang binibiktima ngayon ng grupo, ayon sa kausap ko sa MPD, ay itong pulitiko sa San Leonardo, Nueva Ecija  na ang front ay si Fred Duling. Nakabola na sa Makati City ang grupo at sa katunayan ay may tumama ng P18,000 subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa binabayaran.

Abangan!

Show comments