UPANG maging kapani-paniwala ang isang testimonya, kinakailangang manggaling ito sa isang saksi na walang duda ang kredibilidad. Kung may alinlangan sa kredibilidad ng saksi, dapat ipawalang sala ang akusado. Ang sitwasyong ito’y makikita sa kaso ni Simon.
Kinasuhan sila Simon at Doming ng pagtutulak at pagbebenta ng 108.40 at 105.84 gramo ng shabu sa halagang P2,000.00 noong May 11, 1998 sa Navotas, Metro Manila. Ang kasong ito ay bunsod ng buy-bust operation na isinagawa ng Navotas Police team nang makatanggap sila ng tip mula sa isang impormante. Kasama sa operasyon na ito si PO3 Alan na nagpanggap na bumibili ng droga, ang impormante at ilang mga pulis.
Ayon kay PO3 Alan na naging kaisa-isang saksi para sa prosekyusyon, pumunta sila sa isang bahay bandang alas-onse ng gabi kung saan si Doming ang nagbukas ng pinto ng siya’y kumatok. Ipinakilala siya ng impormante kay Doming at sinabing bibili siya ng shabu. Ngunit sabi ni Doming wala siyang shabu ng mga oras na iyon at marijuana lamang ang mayroon siya. Iginiit ni PO3 Alan na shabu ang kanyang bibilhin kaya’t sinabihan siya ni Doming na mag-antay muna at may magdadala ng shabu sa kanya.
Ayon kay PO3 Alan makalipas ang ilang minuto ay duma-ting si Simon at ipinakilala ni Doming sa kanya. Sinama siya ni Simon sa kanyang dalang motorsiklo at naglabas mula sa isang bag ng dalawang pakete ng shabu sabay hingi ng bayad. Ito’y kanyang sinuri at makatapos ay inabutan niya si Doming ng markadong 4 na limang daang piso na nakalagay sa isang balumbud ng mga pekeng pera. Ito ang naging senyales niya sa mga kasamahan at nagpakilala siya na isang pulis at inaresto sina Simon at Doming. Kinapkapan sila at nakuha kay Simon ang isang .38 paltik na baril, ang perang ibinayad sa kanya at mga pakete ng shabu, samantalang marijuana at shabu naman ang natagpuan kay Doming. Idinagdag pa ni Alan na dinala nila ang mga nakumpiskang droga sa forensic chemist upang eksaminahin at napatunayang mga marijuana at shabu nga ang mga ito ayon sa Physical Science No. D-411-98.
(Itutuloy)