Last ditch effort ng Ampatuans?

ANBILIBABOL! Ito ang bulalas ng barbero kong si Mang Gustin sa isang umano’y lumabas sa YouTube na pagsasalita ng isang MILF kumander na umaamin sa karu-maldumal na Maguindanao Massacre noong Nobyembre ng nakaraang taon.

Sabi raw ng MILF official na nagpakilalang Kumander Dalawie, ito ay bilang pag-resbak ng MILF sa malaking atraso sa kanila ng angkan ng mga Ampatuan. Tila “last ditch effort” ito para lumusot sa kaso ang mga nasasakdal. Karamihan sa 57-kataong walang awang inutas sa Maguindanao ay pawang mga media practitioners. Mga kabaro natin sa media. Magtulung-tulong sana tayo sa pagtatamo ng hustisya sa mga katoto nating biktima.

Gusto ko mang bigyan ng benefit of the doubt ang anggulong ito, nahihirapan akong maniwala. Kung ito’y benggansa ng MILF sa mga Ampatuan na sinasabing nagpapatay sa marami sa kanilang miyembro, bakit kailangang ibuking ng kumander ang kanilang iskema? Nanahimik na lang sana ang grupo para tuluyang makalaboso ang mga pinaghihigantihan nila.

Marami pang sinabi si Kumander Dalawie. Kesyo nakahanda pa raw ang grupo niya sa anumang gagawin ng pamahalaan at ng mga Ampatuan matapos ang kanyang pangungumpisal. Kesyo ayaw na raw makipag-usap ng MILF sa pamahalaan dahil wala namang pangakong natutupad. Kung tutuusin, sa “pangungumpisal” na ito ni Dalawie, hindi benggansa ang dating sa mga Ampatuan na malamang unang-una pang matutuwa kapag pinaniwalaan ito ng tao at ng husgado.

Pinagyabang pa raw ni Kumander Dalawie na sa pamamagitan ng media ay maipakikita nila sa buong mundo na masaya na sila dahil nakaganti na ang kanyang grupo sa pamilya Ampatuan.

Ang mga Ampatuan ay akusado pa rin hangga ngayon at hindi natin sila hinahatulang “guilty” na. Sabi nga, itinuturing pa ring inosente ang akusado habang di napapatunayan ang kanyang kasalanan. Bahala ang Korteng gumawa niyan. Bayaan na lang na umikot sa wastong paraan ang proseso ng hustisya at huwag nang gu­mawa ng media operation sa layuning idiskarel ang usapin.

Show comments