LABIMPITONG araw na ang nakalilipas mula nang isiwalat ni President Noynoy Aquino ang sobra-sobrang bigas na inangkat ng National Food Authority at hanggang ngayon, hindi pa napapagpasyahan kung ano ang gagawin sa mga bigas na nasa bodega. Sabi kamakalawa, ipapamahagi raw sa mga bata sa daycare center pero hindi bigas kundi lugaw na at may sangkap ng bitamina. Mabuti kung umpisahan na ito sapagkat sa susunod na buwan ay mayroon pang darating at madadagdagan pa ang mga nakaimbak sa bodega ng NFA. Saan pa itatambak ang mga ito. Idispatsa ang sobra para may kainin ang apat na milyong Pilipino na nagugutom.
Malaking hamon sa kasalukuyang secretary ng Department of Agriculture (DA) ang isiniwalat ni President Aquino ukol sa sobrang importasyon. Kailangan bang umangkat nang napakaraming bigas ang Pilipinas gayung ang bansang ito ay may malawak at mayamang lupain? Matagal nang umaangkat ng bigas ang Pilipinas at ang mga nakaraang Agriculture secretary ay hindi nakabalangkas ng plano para maitigil ang pag-angkat. Dati namang hindi umaangkat ng bigas ang Pilipinas. Katunayan, dito pa nga sa bansa nagsisipag-aral ang mga magsasaka mula sa Thailand at Vietnam. Kabaliktaran ngayon, sapagkat sa Thailand na umaangkat ang Pilipinas.
Maaari namang hindi na umangkat kung susuportahan ng agriculture departament ang mga magsasaka. Bigyan ng financial na tulong. Isaayos ang mga irigasyon. Bigyan ng mga mahuhusay na binhi ang mga magsasaka. Bilhin ang palay ng mga magsasaka sa mataas na halaga para lalo silang maging produktibo.
Makipagtulungan ang agriculture department sa DPWH para magkaroon ng kalsada sa mga kanayunan at nang mabilis nilang madala sa bayan ang kanilang aning palay at iba pang produkto. Makipag-ugnayan ang agriculture department sa Bureau of Customs para lubusang mahinto ang smuggling ng bigas mula sa ibang bansa. Dahil sa rice smuggling, nawawalan ng kinikita ang mga local na magsasaka. Unti-unti silang pinapatay ng mga smuggler.