(Huling bahagi)
NUNG Lunes naisulat ko ang tungkol sa umanoy tatsulok na relasyon sa pagitan ng isang palikerong lalaki, selosong mister at kaliweteng misis.
Kumalat ang tsismis...nakaabot kay mister... umiwas ang lalaking naugnay. Hindi naging sapat ang walong taong nagdaan upang maghilom ang sugat at maalis ang mga tinik na tumutusok para sa isang lalaking ang pakiramdam naiputan sa ulo ng sila’y magtagpo sa ‘waiting shed’ ng mga nakaparadang mga ‘pedicab’.
Ang mga taong sangkot sa madugong insidenteng ito ay ang mag-asawang sina Victor at Rexy at ang lalaking si Dolfo.
Pagkita pa lamang ni Dolfo kay Victor pumanik na ang dugo sa ulo nito. Mas lalong umigting ng magkatinginan ang misis niyang si Rexy at si Dolfo na mabilis naman napansin nitong si Victor.
Nasa loob ng pedicab si Dolfo ng mga sandaling iyon. Nakita niyang bumaba mula sa kanyang motor na ‘single’ si Victor. Aawatin sana ito ni Rexy subalit hindi niya mapigilan ang bugso ng damdamin ng kanyang asawa. Nagmamadaling bumaba ng tricycle si Dolfo subalit mas mabilis ang bulusok ni Victor na papalapit at pasugod sa kanya.
Nagkamurahan subalit ayon sa anak ng biktimang si Angelita o “Angie” na lumapit sa aming tanggapan, pilit na lumalayo ang kanyang ama. Hindi na pinatagal pa ni Victor ng bumunot ito ng patalim na nakasuksok sa likod ng kanyang pantalon.
Base sa isang testigo na si Esteban Ronquillo isang barangay tanod ng Brgy. Santiago. Papalapit si Victor habang sumisigaw ng, “Tapos ka na ngayon papatayin kita!”
“Aakmang tatakas si Dolfo palayo ng sundan ito ni Victor. Dumipensa si Rodolfo ngunit nawalan siya ng balanse at napabagok ang ulo sa semento, habang nakahandusay sa semento si Rodolfo ay inundayan naman ng saksak ni Victor sa dibdib.”
Bumagsak sa semento, bumulwak.... umagos ang dugo, sa lupa, natulala ang lahat sa nasaksihang brutal na pangyayari.
Hinatak ni Victor ang asawang si Rexy at sumakay sa motor. Humarurot ito papalayo sa pinangyarihan ng krimen, nang malayo na sila dun pa lamang nakakilos ang mga pedicab drivers. Binuhat si Dolfo.
Isinugod ito sa pinakamalapit na pagamutan na General Trias Maternity and Pediatric Hospital. Nakarating ang balita sa anak ni Dolfo na si Angie. Dumating na si Angie at nakita niyang patay na ang kanyang ama.
Ipinadala ang kanyang bangkay sa ‘morgue’ at ito’y in-examine ni Dr. Jonathan Seranilo isang Medico Legal Officer ng Philippine National Police (PNP) Crime Laboratory, Cavite.
Lumabas sa kanyang report na ‘stub wounds in chest’ ang kinamatay ni Dolfo.
Nagpa-blotter sa Gen. Trias Police Station sina Angie. Pinuntahan ng Police Investigator na si PO3 Edgardo Gallardo ang ‘compound’ kung saan nakatira si Victor.
Nakausap niya ang kapatid ni Victor na si Pelez Asican. Sa halip na papasukin sila’y pinagmalakihan pa umano nito ang pulis at sinabing, “Wala na dito si Victor! Pinatakas ko na!”.
Sa tulong ng PNP, Cavite Nag-‘file’ ng kasong murder ang pamilya Belen sa Prosecutor’s Office, Imus nung Ika-28 ng Mayo.
Nagtatago na si Victor. Ang asawa naman nitong si Rexy ay pagala-gala pa rin sa Gen Trias, ayon sa kanilang mga kapitbahay.
“Hindi ako makakapayag na makalayo sina Victor at Rexy! Kailangan nilang pagbayaran ang pagpatay sa ama ko! Hustisya ang kailangan namin!” sabi ni Angie.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwento ni Angie.
Bilang tulong inirefer namin siya sa tanggapan ni Provincial Prosecutor Emmanuel Velasco ng Cavite para mailabas ang resolusyon sa lalong madaling panahon.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, maaring may basehan ang pagseselos ni Victor. Sabihin na nating nagkaroon nga ng relasyon sina Dolfo at Rexy. Kusang lumayo na si Dolfo ng walong taon.
Babae ang tinuturong dahilan ng krimen. Pinatos umano ni Dolfo ang asawa ni Victor kaya’t ng muling magtagpo ang kanilang landas posibleng hindi niya napigilan ang kanyang sarili at binuhos niya ang galit na namuo sa loob ng walong taon.
May mga taong nagagawang pumatay dahil sa sobrang selos o pagmamamahal. Ang nangayari dito, nakatagpo si Dolfo ng isang selosong lalake. Nabisto ni Victor na siya’y nasalisihan sa kanyang misis,
Kung nakuha mong patawarin ang iyong asawa sa nagawa niya sayo, bakit hindi mo magawang kalimutan ang yugtong ito sa iyong buhay? Humanap ka pa ng mas malaking problema kasong MURDER at habambuhay na pagkabilanggo ang katapat nito.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City. Bukas din kami tuwing SABADO mula 8:30am- 12:00pm.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com