EDITORYAL - Taasan ng tax ang sigarilyo
INIISIP ni Health Secretary Enrique Ona na taasan ang tax ng sigarilyo. Ito ay para raw mapilitang itigil na ng mga naninigarilyo ang kanilang bisyo. Kapag tinaasan ang tax sa sigarilyo, siyempre magmamahal ang presyo at maaaring hindi na kayanin bumili ng mga karaniwang nagyoyosi. Halimbawa ay maging P10 per stick, mahirap nang bunutin ang halagang ito. Paano makakabili ng yosi ang wala namang P10?
Okey ang naisip na ito ni Secretary Ona. At siguro naman ay hindi tututol si President Noynoy Aquino, isa ring naninigarilyo, para ituloy ang planong ito. Kapag natuloy, dalawang magandang bagay ang makakamit dito. Una ay madadagdagan ang tax collection ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at ikalawa, maililigtas sa pagkakasakit ang maraming Pilipino. Ang paninigarilyo ang nagdudulot ng cardiovascular diseases at cancer sa baga na isa sa pangunahing dahilan ng kamatayan ng mga Pinoy.
Kapag dinagdagan ang tax ng sigarilyo, maaa-ring makakolekta ang BIR nang mahigit P30-bilyon o mahigit pa. At ito ay malaking karagdagan sa kaban ng bansa. Noong 2006, nakakolekta ang BIR ng excise tax mula sa tabako ng P26.8 billion.
Sa kasalukuyan ay pabata nang pabata ang mga naninigarilyo. Maluwag naman ang batas sa pagbebenta ng sigarilyo sa mga menor-de-edad. Kahit sa bangketa ay maaaring makabili ng yosi kaya naman malayang-malaya ang mga kabataan. Inutil ang mga alagad ng batas at hindi na pinapansin ang pagbebenta ng vendor sa mga menor-de-edad. Maski ang paninigarilyo sa mga publikong lugar ay nilalabag na rin. Wala nang pakialam ang mga naninigarilyo sa kanilang katabi. Hindi nalalaman ng mga naninigarilyo na ang kanilang ibinubugang usok ay naghahatid ng sakit sa kanilang kapwa.
Ituloy ng DOH ang kanilang planong itaas ang tax ng sigarilyo. Bukod dito, ilagay din sa mga pakete o kaha ng sigarilyo ang mga larawan ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Ito ay para maging babala sa mga naninigarilyo na tigilan na ang nakamamatay na bisyo.
- Latest
- Trending