Handa ang mga Pinoy sa pagdating ng unos
NOONG isang araw ay abalang-abala sa paghahanda ang mga Pinoy sa Houston at iba pang mga siyudad. Nabalitaan kasi nila na maaari raw dumating sa anumang oras ang isang hurricane. Mayroon na silang leksiyon sapagkat dalawang taon na ang nakararaan, isang hurricane na ang nanalasa sa Texas at karatig na lugar ng Galvezton na pumatay nang maraming tao at sumalanta sa mga ari-arian.
Ang mga Pinoy kapag tungkol na sa bagyo at baha ang pag-uusapan ay mayroon nang malaking takot. Paano’y hindi nila malilimutan ang nangyaring pananalasa ni Ondoy sa Metro Manila noong September 26, 2009. Lumubog ang maraming lugar sa Metro partikular ang Marikina na maraming buhay at ari-arian ang nawala at nasalanta. Alam na alam ng mga Pinoy sa Houston ang pangyayari sapagkat ibinabalita ng kanilang mga kamag-anak ang malaking baha.
Hindi masisisi ang mga Pinoy na maghanda sapagkat ang sinilangan nilang bansa ay madalas dalawin ng bagyo. Sanay na sila na kung Hulyo at Agosto ay talaga namang dinadalaw ng bagyo ang Pilipinas at nag-iiwan nang malaking pinsala. Ang iba sa kanila ay karaniwan na lamang na makakita nang lumilipad na yero, nababaling sanga ng kahoy, nabubuwal na poste ng ilaw, pagbaha at marami pang iba.
Naghahanda ang mga Pinoy sa Houston sa pananalasa ng hurricane. At may paniwala ang mamamayan na kapag matagal-tagal na hindi dumadalaw ang hurricane, mas malakas daw ang kasunod. Maraming naghahanda sa pagkat ayaw na nilang maulit ang mga nangyari noon na hindi sila nakaprepara sa pananalasa ng hurricane. Naniniwala naman ako na kayang-kaya ng mga Pinoy na paghandaan ang pananalasa ng unos. Sanay na sila diyan. Matibay sa unos ang mga Pinoy.
- Latest
- Trending