Burokrasya lilinisin ba talaga ni P-Noy?
ANG 88% trust rating ni President Noynoy Aquino ay dala ng pagsuporta na mamamayan sa kanyang pangako nu’ng kampanya: “Kung walang korap, walang mahirap.” Inaasahan nila na lilinisin niya ang gobyerno — hindi lang ang ehekutibo na nasa ilalim niya, kundi pati lehislatura at hudikatura.
Kaya’t maraming nagalak nang sabihin ni P-Noy ilalathala sa mga pahayagan ang detalye ng bawat pork barrel project ng mga senador at congressmen. Kung kalsada raw, idedetalye kung ilang sako ng semento, at truck ng graba at buhangin ang nagamit, para ma-audit kung merong “tong-pats.” Natuwa rin ang madla nang binisto ni P-Noy ang mga midnight deals ng Arroyo administration, at pinalayas sa puwesto ang 977 midnight appointees.
Pero nakakadalawang buwan na sa Malacañang si P-Noy, at marami pa ring midnight deals at appointees ang nananatili. Naiinip ang publiko. Pakiwari nila, kung hindi mabagal si P-Noy sa pagbaka sa korapsiyon ay natabunan na siya nito. Tinanggap na niya ang midnight appointment ni Chief Justice Renato Corona. Tinutuloy na ang pork barrel at congressional insertions. At humihirang ng mga kasapi ng Gabinete na may mga kaso sa Ombudsman ng katiwalian. At ang mga malalapit namang kaibigan niya ay nagiging kublihan ng mga tiwali.
Ehemplo si Mindoro Oriental Gov. Alfonso Umali Jr., kabarkada ni P-Noy at hepe ng League of Provinces. Balita sa kapitolyo na consultant ni Umali si Dr. Nelson Buenaflor. Kung pamilyar ang pangalang ‘yon, maaalala na si Buenaflor ang hepe ng Quedancorp na nagwaldas ng P2 bilyong pekeng pagka kalat ng biik sa magsasaka nu’ng kumakampanya sa pagka-presidente si Gloria Macapagal Arroyo nu’ng 2004. Si P-Noy mismo, bilang senador nu’ng 2009, ang tumutok sa imbestigasyon ng katiwalian. Marami pang mga katulad na palakasan: sa Bureau of Immigration and Deportation, Bureau of Customs, at Dept. of Public Works and Highways.
- Latest
- Trending