(Unang bahagi)
KAPAG nagtagpo ang isang palekerong lalaki, isang selosong mister at ‘kaliweteng misis, asahan mong may sisiklab na pangyayari.
“Tsismis lang ang lahat! Wala namang nakaaktong may relasyon ang ama ko at ang aking tiyahin?” wika ni Angie.
Si Angie ay si Angelita ‘Angie’ Perdito ng General Trias, Cavite. Humingi ng tulong sa aming tanggapan dahil sa sinapit ng kanyang amang si Rodolfo Belen, 55 taong gulang.
Nasangkot sa isang away lalake si Rodolfo o mas kilala sa tawag na ‘Dolfo’. Babae umano ang pinagsimulan ng away sa pagitan ni Dolfo at ni Victor Asican, pinsang buo ng kanyang asawa na si Rosario o “Sayong”.
Taong 1995 ng lumipat sa General Trias ang pamilya Belen sa mga kamag-anak ni Sayong. May iniwan kasing lupa ang lolo ni Sayong na si Paulino.
Nangungupahan dati sina Dolfo sa Silang, Cavite malapit sa kanyang mga magulang. Naisip ni Dolfo na mas makakamenos sila sa gastos kung magpapatayo sila ng bahay sa lupa ni Sayong kaya’t agad silang lumipat dito.
Kasama nila sa ‘compound’ si Victor at iba pang pinsan ni Sayong. Dahil magkakamag-anak, naging masaya ang pagtira nila dun sa loob ng anim na taon hanggang matsimis si Dolfo kay Rexita “Rexy”, asawa ni Victor.
Naging maugong ang pangalan ng dalawa. May relasyon daw si Dolfo at Rexy. Nakarating kay Angie ang balita.
“Sabi nila madalas nagkikita si papa at Rexy sa Brgy. Niyugan sa isang bahay dun. Dito daw inaabutan ni papa ng pera si Rexy,” sabi ni Angie.
Kinumpronta ni Angie ang ama. Ilang ulit niyang tinanong si Dolfo subalit hindi umano ito umiimik. Isang bagay lang umano ang binabanggit nito, “Wala lang yun!”.
Isang taong usap-usapang may relasyon si Rexy at ang kanyang ama. Hindi naman ito pinansin pa ni Angie. Depensa ng ama tinutulungan niya lang si Rexy sa tuwing lumalapit ito.
Ika-2 ng Marso 2002, may nakapagtimbre kay Angie na nasa Brgy. Niyugan ulit si Dolfo. Pinatotohanan naman ito ng pamangkin ni Victor na sina Meriam at Nida. Ayon sa dalawa nakita nilang inabutan ni Dolfo si Rexy ng bigas at pera.
Sa puntong ito, pinagtapat na ni Angie kay Sayong ang nakita nila Meriam. Nagalit si Sayong, kinausap niya ang asawa, “Anu itong nabalitaan ko? May relasyon pala kayo ni Rexy...Umalis ka sa bahay! Lumayas ka!”.
Tikom pa rin ang bibig nitong si Dolfo. Umalis siya ng bahay. Bumalik si Dolfo sa Silang sa kanyang mga magulang para makaiwas sa tsismis at para hindi na sila magpang-abot pa ni Victor.
Nakarating kay Victor ang nangyari. Nung gabi ring yun, sumugod itong si Victor kina Sayong dala umano ang kanyang shot gun.
“Ilabas mo yang asawa mo! Papatayin ko yan!” sabi umano ni Victor.
Nanatili sa loob ang mag-anak sa sobrang takot. Nilabas naman siya ng kapatid ni Dolfo na si Ediosa Belen na noo’y bumisita kina Sayong para pagbatiin ang mag-asawa.
“Wala dito ang kapatid ko!” matapang na banggit ni Ediosa ayon kay Angie. Tinutukan umano ni Victor si Ediosa at sinabing, “Di ako naniniwala! Ilabas mo si Dolfo at papatayin ko!” sabay nagpaputok ng baril pataas at saka umalis.
Takot na takot na pumasok sa bahay si Ediosa. Naisipan nilang magsumbong sa pulis para sa panunutok ng baril ni Victor subalit mas pinili nilang manahimik para hindi na lumala ang away.
Mula nun hindi na pinauwi ni Sayong si Dolfo. Dalawang taon siyang nanatili sa Silang kasama sila Ediosa. Sila Angie at mga anak nalang ang bumibisita kay Dolfo.
Taong 2004, matapos mag-asawa ni Angie nagpatayo sila ng bahay sa Brgy. Santiago, katabing purok. Inisip ni Angie na magandang pagkakataon ito, na itira dun ang ama. Mas malapit siya kay Sayong at mga kapatid. Mas ligtas siya dito.
Tatlong beses sa isang linggo tumutuloy si Dolfo kina Angie. Dito sila nagkakasamang mag-anak.Tatlong taong naging ganito ang sitwasyon nilang magpamilya hanggang nung taong 2007, nabalitaan nilang umuwi ng Quezon Province si Victor matapos umano masangkot sa isang kaso.
Sinubukan ni Dolfo na umuwi sa dating bahay. Nung una’y gabi o madaling araw pa kung pumunta si Dolfo para makaiwas sa pamilya ni Victor. Napansin naman ni Victor na nabawasan na ang tensyon sa pagitan nilang mag-anak kaya’t pagpasok ng taong 2008 dun na siya nanatili.
Naging normal muli ang pamumuhay nila Dolfo. Nagsimula siyang mamasada ng jeep ng anak na si Marcelino. Nung nakaraang taon, umuwi ulit sa Gen. Trias si Victor. Ilag pa rin si Dolfo kay Victor subalit kahit anung iwas niya may mga pagkakataong nagkatatagpo pa rin ang kanilang landas.
“Pailalim pa rin tumingin si Victor sa papa ko, alam kong galit pa rin siya sa nangyari kaya’t ama ko nalang ang umiiwas,” pahayag ni Angie.
Alam ni Dolfo na lilipas din ang galit sa kanya ni Victor. Hindi akalain ng pamilya Belen na iba pala ang mangyayari.
Ika-25 ng Mayo, 2010... bandang 7:30 ng gabi habang pauwi si Dolfo galing Silang ng abangan siya ng mag-asawang Victor at Rexy sa ‘waiting shed’ ng Purok Santiago.
Sumakay si Dolfo sa pedicab na pag-aari ni “Estong”. Ang mga susunod na pangyayari ay base sa ikinwento sa amin ni Angie.
Hindi napansin ni Dolfo na sumusunod na pala ang mag-asawa sakay ng isang single na motor. Hindi pa nakakalayo ang pedicab ng tapatan sila ng motor. Sinigawan ni Victor si Estong, “Itigil mo yan! Huwag mong itakbo yan!”.
Napansin ni Estong ang “daga” (isang malaking itak gamit sa pagsasaka) na nakasukbit sa gilid ni Victor kaya’t natakot ito. Hininto niya ang pedicab sabay tago sa likod ng puno ng Guavano.
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lamang sa “CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854. Ang landline 6387285 at ang aming 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
SA PUNTONG ito nais kong batiin si MaejoyVillaber ng Bohol. Salamat sa iyong paanyaya sa amin dito sa ‘Calvento Files’ na pumunta ng ‘Chocolate Hills sa Bohol. Ganun din kay Mhar ng ‘Robinson’s Supermarket meat section’ sa San Pedro, Laguna. Salamat sa iyong tulong at sa pagsubaybay mo sa aming kolum.
MULA SA LAHAT sa amin dito sa ‘CALVENTO FILES’ at sa ‘Hustisya para sa Lahat’ sa DWIZ 882 KHZ malugod naming binabati ang minamahal naming ‘staff’ na si AICEL BONCAY ng Maligayang Kaarawan.
Si Aicel ay pagkatapos ng sandaling bakasyon serbisyo publiko na naman ang kanyang inisip para makatulong sa ating mga kababayan. God bless you and your family Aicel.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com