Editoryal - Mga kriminal na may 'gatas pa sa labi'

ANONG nangyayari sa mga kabataan ngayon? Nakaaalarma na ang mga nangyayari na nagi-ging kriminal na ang mga may “gatas pa sa labi”.

Noong nakaraang Miyerkules, nabalot ng sindak ang mga guro at estudyante sa Commonwealth High School sa Bgy. Commonwealth, Quezon City. Nagkaroon ng kaguluhan habang nagdadaos ng klase. Inakala nilang karaniwang kaguluhan lamang ang nangyayari sa quadrangle ng school kung saan may mga nagsusuntukang estudyante. Pero nagkamali sila ng akala sapagkat meron na palang napatay na estudyante. Sinaksak ng ice pick ang estudyante. Ang sumaksak ay kapwa estudyante. Parehong 19-anyos. Umano’y dahil sa fraternity ang ugat ng patayan. Gimbal ang mga guro sapagkat nakita nilang hawak pa ng estudyante ang ice pick at nakatingin sa nakasubsob na biktima. Inaresto ng mga pulis ang salarin.

Pabata nang pabata ang mga gumagawa at nasasangkot sa krimen. Nasa high school pa lamang pero nadungisan na ang mga kamay. Nasira na ang kinabukasan ng estudyante. Malaking katanungan naman kung paano nakapasok sa school ang suspect at may dalang icepick. Nasaan ang mga magulang ng batang ito at hindi na nasubaybayan ang kanilang anak?

Isang linggo na ang nakararaan, napatay ng mga pulis ang lider ng carnapping syndicate na si Ivan Padilla. Marami nang na-carnap ang grupo ni Padilla at kabilang diyan ang sasakyan ni dating Foreign Affairs Sec. Roberto Romulo. Sunud-sunod ang pag-carnap nila hanggang sa matiyempuhan ng mga pulis. Ang edad ni Padilla: 23-anyos. Ang kanyang mga magulang ay pawang nasa bilangguan. Umano’y ang pagkagumon sa illegal drugs ang dahilan kaya nangangarnap ang grupo. Ang mga miyembro ng grupo ay may edad 18 at 19. May mga babae ring miyembro. Ang ilan ay galing sa mga may sinasabing pamilya. Mga may “gatas pa sa labi” pero pusakal nang carnappers.

Wala nang takot ang mga kabataan kung gumawa nang masama. Wala nang pinangingilagang alagad ng batas. Ngayon dapat nang matauhan ang mga magulang at subaybayan ang kanilang mga anak. Paigtingin naman ng PNP ang pagdurog sa sindikato ng droga. Ang pagkasugapa sa droga ay isa sa mga dahilan kaya naliligaw ng landas ang mga kabataan.

Show comments