Ivan Padilla pinsan ni Robin
MAGKA-CHAT kami kamakailan sa Facebook ni Carol Esposo Espiritu, isang dating kasamahan dito sa Star Group. Kung magugunita ninyo, si Carol ang nag-conduct ng seminar para sa mga cabinet officials ni President Noy kaugnay ng wastong pagtrato sa media. Sa kolum ko nung Huwebes, pinuna ko ang mga palabas sa telebisyon na nakakahikayat sa mga kabataan na malulong sa kriminalidad gaya ng pagtutulak ng droga, carnapping at robbery.
Sang-ayon naman si Carol sa opinyon ko pero aniya huwag lang mass media ang sisihin. Aniya may butas din ang ating batas na dapat sana’y pumuprotekta sa ating mga kabataan. Kasi daw, ang mga menor-de-edad ay hindi tumatanggap ng parusang nakalaan sa mga adult criminals. Ito ang humihikayat sa kanila para gumawa ng labag sa batas. Dapat daw i-review ang batas ani Carol.
Si Ivan Padilla, ang leader ng grupo ng carnapers na napatay kamakailan ay hindi menor de edad. Pero siya’y lubhang bata pa rin para maging pusakal na kriminal. At mukhang nakasanayan na niya ang gawaing ito simula pa lang nang siya’y teen-ager pa lang.
Ayon naman sa aking impormante na ayaw magpakilala, si Ivan ay anak ng isang nangngangalang Aldo na kapatid ng ama ng aktor na si Robin Padilla. May disente silang negosyo sa car accessories sa Parañaque pero kapwa napariwara ang mga magulang niya. Ang ina niya ay nakakulong ngayon sa Bureau of Correction dahil sa kasong may kaugnayan sa droga.
Hindi raw propesyunal na carjackers sina Ivan at ang kanyang mga katropa. Nagnanakaw umano sila ng mga kotse para tustusan ang kanilang bisyo sa bawal na gamot. Lango umano sila sa droga kapag nangangarnap. Mga dating kabarkada niya sa Parañaque ang kasamahan sa operasyon.
Sa murang gulang, ang mga kabataang ito’y armado ng mga matataas na kalibreng baril kaya napaka-mapanganib. Nang mabaril si Ivan, nakuha umano sa kanya ang isang armalite. Sana’y masupil na ang trend na ito nang pagdami ng mga musmos na kriminal. Nakakatakot!
- Latest
- Trending