EDITORYAL - Huwag nang buhayin ang ROTC
Walong taon nang patay ang Reserve Officers Training Corps (ROTC) pero gustong hukayin at muling buhayin. Kalokohan ang ideyang ito para raw magkaroon ng disiplina ang mga kabataan. Wala namang nakukuha sa ROTC ang mga lala-king estudyante kundi mangitim ang balat dahil nakabilad sa arawan. Gigising nang maaga kapag Linggo ang mga estudyante at pagmamartsahin hanggang alas-dose ng tanghali. Papagurin lang at pangingitimin at tapos na. Check ng attendance at uwian na. Apat na semester ang bubunuin ng estudyante para matapos ang ROTC at pagkatapos ay ni hindi man lamang marunong magpaputok o mag-assemble ng baril. Meron nga na hindi nga nakakita ng tunay na baril ang mga nag-ROTC bago ito na-abolished noong 2002. Kaya mala-king kalokohan na buhayin muli ito at sapilitang ipakuha sa mga estudyante.
Bukod dito, naging pugad din ng corruption ang mga ROTC unit sa mga unibersidad. Maraming estudyante na para huwag makapag-ROTC ay babayaran na lamang ang mga officers at presto. Hindi na kailangang gumising pa nang maaga at magmartsa sa init ng araw. Pera lang ang kailangan at gagraduate na sa ROTC. Laganap ang corruption sa ROTC at patunay dito ang ibinulgar ng Cadet Officer na si Mark Wilson Chua ng UST. Nasuklam si Chua sa mga nangyayaring corruption sa UST Corps at ibinulgar niya. Subalit mapait ang nangyari sapagkat pinatay siya ng mga kasamahang kadete at sangkot pa ang ilang sundalo. Kinidnap si Chua, binusalan ang bibig ng masking tapes, binalot sa carpet at saka itinapon sa Ilog Pasig. Karumal-dumal ang ginawa sa Cadet officer na nagbulgar ng mga nangyayaring corruption sa ROTC. Nakakulong na ang mga pumatay kay Chua pero mayroon pa umanong nakalalaya. Naging instrumento si Chua para lubusang buwagin na ang ROTC.
Sabi ni Defense Sec. Voltaire Gazmin, madidi-siplina raw ang mga estudyante kapag binuhay muli ang ROTC. Madadagdagan din daw ang bilang ng mga sundalo kapag naibalik ang ROTC. Hindi totoong nadidisiplina ang mga estudyante sa ROTC bagkus tinuturuang maging corrupt ng mga corrupt ding cadet officers. Huwag nang ipagpilitan ang kinasusuklamang ROTC.
- Latest
- Trending