MATAPOS ilantad ng bagong Public Works Secretary Rogelio Singson ang mga dambuhalang suweldo at iba pang nakalululang benepisyong tinatamasa ng mga opisyal ng MWSS, siya ngayon ang nasa “hot water.” Inaakusahan siyang pumasok sa “midnight deal” sa PAGCOR kaugnay ng proyektong water reservoir sa planong mala-Las Vegas na entertainment city sa Pasay City.
Hindi naman pala matatawag na midnight deal ito. Kasi, Pebrero pa ng nakalipas na taon sinimulan ang negosasyon at ni hindi pa nalalagdaan ang proyekto. Ang akusasyon ay nagmula umano sa ilang board members ng MWSS na tinamaan ng hagupit ni Singson! Maaga yata ang “pagkanta” ni Mr. Singson! Next time don’t sing soon, Mr. Singson. Pero di maiiwasan iyan dahil mandato ni P-Noy na baklasin ang bulok sa gobyerno.
Sa SONA ni Presidente Aquino, inilantad ng Pangulo, base sa mga impormasyon ni Singson, ang nakalululang sinasahod at benepisyo ng mga opisyales ng MWSS. Hinamon pa ni P-Noy ang mga opisyal na mag-resign na lang “kung may natitira pang kahihiyan.”
Sabi nga ng kaibigan kong si Jess Matubis na nakatrabaho ni Singson sa Maynilad, may “malansa” siyang naaamoy. Isang balak para wasakin si Singson at matanggal sa gabinete ni P-Noy. Sabi ko naman, “you can never put a good man down.” Obvious naman kasi ang kaibhan ng paninira sa makatotohanang alegasyon. At nagsalita na si Singson. Aniya, siya ang kusang magbibitiw kapag napatunayan ng kanyang mga detractors ang ipinaparatang.
Mahirap ang pagwawalis sa mga tiwali sa gobyerno. Unang diskarte mo pa lang, papalag ang mga iyan dahil gusto nilang manatili ang status quo o bulok na kalakaran na pinakikinabangan nila.
Si Singson ay naging top-honcho ng Maynilad bilang President and CEO. Ayon kay Jess Matubis, isa siyang mahusay na ehekutibo na may magandang reputasyon. Tingin ko nga.
Kaso, ang isang maga-ling, mahusay at walang batik na opisyal sa gobyerno ay magiging katatakutan sa iba pang tiwali at bugok.
Asahan natin na may mga papalag para huwag silang magtagumpay.