KAHIT lumalakas ang ugong na papalitan na siya bilang NCRPO chief, tuloy pa rin sa trabaho si Dir. Roberto Rosales. Ang balita kasi, si Rosales ay papalitan na ni Dir. Leocadio Santiago, ang dating hepe ng Special Action Force (SAF). Ang akala ng mga kapwa niya pulis, tatamarin na sa trabaho si Rosales tutal papalitan na naman siya. Subalit hindi ganu’n ang nangyari. Imbes, masigasig na nagtrabaho si Rosales at nalutas ang nakawan ng kotse ni dating Foreign Affairs Sec. Roberto Romulo at ama ni aktor Derek Ramsey. Naaresto ang dalawang miyembro ng sindikato na sina Dale Alimagno at Glenn Del Castillo. Nabawi ang Camry ni Romulo at Volvo ni Ramsey. Napatay naman kahapon ng umaga sa Makati City si Ivan Padilla, lider ng sindikato. Kung ang lahat ng PNP official ay gaya ni Rosales, maganda ang kalalagyan ng PNP. Ginampanan lang ni Rosales ang sinumpaang tungkulin sa publiko.
Ang bagong assignment ni Rosales ay ang DIPO Northern Luzon. Freezer assignment ito? Maaring sabihin ng kanyang superiors na promotion ang bagong assignment ni Rosales subalit para sa junior officers ng PNP, kangkungan ito. Bakit pinarurusahan si Rosales?
Kung sabagay, hindi lang si Rosales ang parurusahan sa liderato ni P-Noy kundi ang buong kaklase niya sa PMA Class ’78, kung saan honorary member nila si dating President GMA. Ang mga Class ’78 na nakapuwesto sa mga Region ay ibabalik sa Camp Crame. Suwerte lang ang makaupo sa mga directorate o mga sensitibong posisyon. Kaya outside de bakod na ang Class ’78 dahil sa relasyon nila kay GMA. Nasa matuwid na direksiyon kaya ang PNP sa pagparusa sa Class ’78? Ang nangyayari sa Class ’78 ay minomonitor ng junior officers dahil me posibilidad na mangyari rin ito sa kanila sa pagpapalit ng mga presidente ng bansa. Pero tiyak ko, hindi ito kasama sa Transformation Program ng PNP.
Mahigit 16 na buwan na hepe ng NCRPO si Rosales. Sa panahong iyon, walang nangyaring bank robbery sa Metro Manila. Hindi lang ‘yan. Bumaba rin sa 24 porsiyento ang krimen sa MM. Hindi naman masama ang loob ni Rosales sa pagka-relieve sa kanya. Kahit maikli lang ang panahon niya sa NCRPO, marami namang accomplishments si Rosales, kabilang na ang paglalagay ng CCTV cameras sa commercial at shopping centers sa MM, ang pagpatayo ng RTOIC kung saan minomonitor ng NCRPO ang Kamaynilaan at iba pa. Pinagawa rin niya ang bakod ng NCRPO, ang grandstand at swimming pool kung saan malaki ang pakinabang ng mga pulis at pamilya nila. Abangan!