Maganda ang unang SONA ng pangulo
At ito’y narinig nang maraming tao;
Sa loob ng bansa sa lahat ng dako
Sa Congress, sa bahay, sa TV at radyo!
Ayon sa publiko ang kanyang sinabi –
Kahi’t saan tingnan balanseng-balanse;
Kanyang inilahad gawaing marumi
Ng administrasyong palpak ang kandili!
Maraming marami ang perang nawala
Sa kaban ng yaman nitong ating bansa;
Sabi ng pangulo sila ay gagawa –
Ng mga hakbanging ngayo’y nakahanda!
Mga kamalian ngayo’y itutumpak –
Upang itong bansa’y makabangon agad;
Ang mga solusyo’y kanyang inilahad
Sa mga problemang minana n’yang lahat!
Mga pagbabagong ating ninanais
Sisikapin nilang tuparing mabilis;
Puhunang publiko at puhanang private
Aakitin nilang sa baya’y ilapit!
Ang hindi maganda at hindi pa dapat
Mga mamamayan na nagrally agad;
Unang SONA pa lang ang gusto’y ilahad
Mga kahilingang gagawan ng lunas!
Hindi raw binanggit nitong presidente
Ang land reform program trabahong marami;
Sa totoo lamang ito ay sinabi
Na malulunasan sa mga industry!
Maraming trabaho at mga pabahay
Sisikapin nilang sa tao’y ibigay;
Wastong edukasyon at ang kabataan
Sasanayin sila sa magandang buhay!
Kaya panawagan ng pitak na ito –
Bigyan ng panahon ang bagong pangulo;
Hintaying umusad kanilang trabaho
Saka maaga pa na magmartsa tayo!