NASA poder ni Erlan Samson (codename Masagana sa Maynila) ang karamihan sa mga butas ng karera na binitiwan ni Apeng Sy. Nilapitan ni Samson ang mga PCP commander sa Maynila na kausapin si Sy na i-umbrella ang mga butas sa bakuran niya. Hindi pumayag si Sy. Kaya nga niya binitiwan ang mahigit 100 puwesto para ipakita sa mga enkargado at kolektor ng lingguhang intelihensiya na bawas na ang puwesto niya para mabawasan na rin ang lingguhang INT niya. Pero itong sistema ni Samson ay matagal na niyang pinaiiral para bumaba ang kanyang INT. Ang ibig kong sabihin mga suki, nais ni Samson na ilubog ang pangalan niya para mababa ang kanyang INT samantalang ang kanyang mga kalaban tulad ni Sy, at Pacia ay abot langit ang binabayaran nila kada linggo. Kaya’t ang tawag ng kanyang mga kapwa gambling lords kay Samson ay “tuso”.
Maliban sa bookies ng Swertres, si Samson ay may pa-bookies din ng karera, jueteng na nakatago sa EZ2, PBA ending, ball-alai, at iba pa. Tulad ng jueteng niya, lubog din ang ibang laro niya. Kaya mababa ang INT ni Samson dahil ang inaalagaan niya ay ang mga tong kolektor na sina Noel de Castro, Ver Navarro, Mike Pornillos, Efren Custodio at Popoy Gaddi. Kapag nagtanong si Manila Mayor Alfredo Lim kung may jueteng si Samson ang laging nakalutang ay mga alagang tong kolektor. Sinabi ng mga kausap ko sa MPD na ang taya sa jueteng ni Samson ay nakalubog sa EZ2. Kunwari EZ2 ang taya subalit kapag nirebisa, eh maliwanag na jueteng. Di ba ayaw ni Lim ng jueteng? Ang mga taya sa jueteng ay hinahakot ng runner na nakamotorsiklo at dinadala sa Wagas St., Tondo kung saan binobola ang winning combination. Hindi sa Caloocan City, tulad ng kinakalat ng mga alipores ni Samson.
Kapag nais ni Samson na mag-expand ng negosyo niya, ang gumagalaw ay sina De Castro, Navarro, Pornillos, Gaddi at Custodio. Ang ginagamit nilang opisina para mangharabas ng kalaban ay ang Napolcom, kung saan si DILG Sec. Jesse Robredo ang chairman. Sino naman sa gambling lords ang magsusumbong kay Robredo?
Bilang na ang mga araw ng lubog na negosyo ni Samson. Ang deklara nya kasi sa DILG, 30 lang ang butas ng bookies ng karera niya samantalang 800 butas na. Kaya kung P10,000 lang kada linggo ang INT ni Samson sa DILG, nadoble na ito ng nagdaang mga araw. Ang GAB ay nagtaas din ng tara. Kapag nagising na rin sa katotohanan ang iba pang operating unit ng PNP, magtataas din sila ng tara. Abangan!