Psychological incapacity
KARUGTONG ito ng kaso nina Mon at Rona na idineklara ng Regional Trial Court (RTC) noong Mayo 31, 2000 na walang bisa ang kanilang kasal dahil sa psychological incapacity ayon sa Article 36 ng Family Code. Tama ba ang RTC sa hatol?
Mali. Ang psychological incapacity ayon sa Article 36 ay kailangang (1) grabe o mabigat upang hindi magampanan ang mga tungkulin ng mag-asawa o ng ikinasal; (2) nagkaugat bago pa man ikasal ang mag-asawa bagama’t ito’y lumalabas lamang pagkaraan ng kasal; at (3) hindi na maaring malunasan, o malunasan man, ang lunas ay wala na sa kakayahan ng mga partido.
Sa kasong ito hindi napatunayan kung malala o grabe na ang kondisyon ng pag-iisip at personalidad nila Mon at Rona upang mawalan ng kakayanan na gampanan ang kanilang mga tungkulin Totoo, napatunayan ng psychiatrist na mayroon silang “personality disorder” nguni’t hindi ito sapat na dahilan tulad ng nakasaad sa Artcle 36. Ito’y maari pang malunasan o mabago lalo na kung papasok muli sila sa ganitong sitwasyon sa hinaharap.
Ang kawalan ng kakayanan ay hindi rin permanente o di na maaring lunasan. Ipagpalagay man na ang mga kilos nila’y labag sa kontrata ng kasalan, ang mga ito naman ay di nagpapatunay na wala ng pag-asang malunasan ang kanilang pagkukulang ng gampanan ang tungkuling mag-asawa. Sa kabuuan, masasabi lang na sila’y di magkabagay at may mga di na maipagtutugmang pagkakaiba na hindi naman maituturing na psychological incapacity ayon sa batas (Aspillaga vs. Aspillaga G.R. 170925, October 25, 2009.)
- Latest
- Trending