MAY kumislap sa ulap. Nag-ingay ang kalangitan…kumidlat. Tumama ito sa bubungan kung saan nandun ang batang si Indoy at siya’y nasapul.
‘Tinamaan ng kidlat!’ Iyan ang depensa ng dalawang guro ng isang pampublikong paaralan sa Palapag, Northern Samar matapos makuryente ang kanilang estudyante habang oras ng klase sa loob ng paaralan.
Una ko ng naisulat ang istorya ni Romark Limpoco na aking pinamagatang “Pahiram lang”. Para sa inyong kaalaman, nagsadya sa amin ang mag-asawang Isidro at Norma Limpoco nung ika-14 ng Abril upang ihingi ng hustisya sa pagkamatay ng kanilang anak na si Romark mas kilala sa tawag na “Indoy”.
Ika-21 ng Hulyo 2009, bandang alas kwatro ng hapon nabalitaan nalang ni Norma. Pagdating ni Norma dun, naabutan nalang niya si Indoy sa ibabaw ng bubong. Tarantang nagtatakbo si Norma upang hanapin ang janitor ng eskwelahan para mapatay ang switch subalit ni isang gurong dapat sumaklolo wala umano ng mga panahong yun.
Kung hindi pa dumating si Noriel Ponce para tumulong hindi agad maibaba ang bata. Nagtungtungan sila sa balikat hanggang makaakyat sa bubong at maabot si Indoy. Kinalong ni Norma ang anak, napansin niyang hindi na ito kumikilos… patay na si Indoy. Napag-alaman ng mag-asawa na kasalukuyang naglalaro ng tumbang preso sina Indoy at iba pang kaeskwela ng napalakas ang hagis ng tsinelas at tumilapon ito sa bubong. Kinuha ni Indoy ang tsinelas. Napansin nalang ng kanyang mga kalaro na nag-umpisa itong mangisay ng makaabot sa bubungan na parang nakukuryente.
Tinanong ni Sidro ang janitor ng paaralan ukol sa nasabing kuryente. Magtagal na umanong may nakalaylay na putol na kawad dun. Ito ang nagtulak kay Sidro para ireklamo ang eskwela sa barangay. Ipinatawag naman ng kapitan ang teacher-in-charge na si Fe Azanza at Adviser na si Cherry Fe Tan kasama ang iba pang mga guro.
Hindi naging maganda ang pakikipag-usap sa kanila ng mga guro dahil parang sa kanila pa umano nasisi ang pagkamatay ng anak.
Lumuwas siya ng Maynila upang humingi ng tulong sa aming tanggapan.
Tinulungan naman namin sila na gumawa ng isang complaint affidavit sa isang abugado para sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide na may kasamang damages. Naisampa naman agad ang kaso sa Prosecutor’s Office Laoang, Northern Samar.
Ika-7 ng Hulyo 2010, bumalik sa aming tanggapan ang kapatid ni Sidro na si Gaspar upang iparating ang sagot ng dalawang guro na sina Fe at Cherry Fe sa reklamong sinampa laban sa kanila.
Ang mga susunod ay base sa kontra salaysay ng dalawang guro: Hindi totoo ang paratang ni Sidro at Norma at pawang kasinungalingan lamang. Hindi totoong nangyari ang insidente ng oras ng klase. Ayon sa mga guro Alas dose ito nangyari. Nang mga panahong ito’y lunch break nilang mga guro kaya’t wala silang pamamahala sa bata.
Narinig lang umano ni Norma ng sila’y magharap sa baranggay na 1:30PM ang umpisa muli ng klase kaya’t pinalabas niya na 1:36 ng hapon nangyari ang insedente para idiin ang mga guro na nangyari ang lahat sa oras ng klase.
Nasaksihan umano nila na habang nasa Center nakuha pang sisihin ni Norma ang anak habang umiiyak na paulit-ulit na sinasabi ang mga katagang, “I told you not to go to school yet since its only 12:00 noon”.
Ang pagkamatay ni Indoy ay dahil tinamaan ito ng kidlat. Isa umano itong ‘natural occurrence’ na hindi kayang pigilin nino man.
Depensa pa nila, hindi ang putol na kable ng kuryente ang naging dahilan ng pagkamatay si Indoy. Kidlat daw ang tumama sa bata. Kung kuryente daw ito tumilapon na ito mula sa bubong. Kung may kuryente ang bubong gaya ng kanilang pinapalabas di sana lahat ng pumanik dun nakuryente rin subalit walang nangyaring ganun.
May kakulitan umano si Indoy, siya raw ang dahilan kung bakit nagpalagay sila ng mga bakal pangharang sa bintana (window grills) ng mga silid dahil madalas umanong tumatalon sa labas ng bintana ang bata tuwing oras ng klase.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi na kami nagulat ng mabasa namin sa kontra salaysay ng mga guro na tinamaan ng kidlat ang bata. Anu pa bang depensa ang pwede kapag malinaw na nakasulat sa death certificate na: death by electrocution. Tinanong namin ang isang batikang Medico Legal Chief ng Region IV-A na si Dr. Antonio Vertido, ng National Bureau of Investigation sa pakikipanayam sa radyo kung ano ba ang itsura ng isang tao na tinamaan ng kidlat? Mabilis nitong sinagot na dapat sunog na sunog ang buong katawan ng bata. Hindi ganun ang nangyari kay Indoy dahil ng maiburol siya maayos namang nakita siya ng mga nagpunta. Tungkol naman sa pinagtatalunang oras merong mga jurisprudence na nagsasabi, ang mga detalye tungkol sa oras, sa suot at iba pang mga maliliit na detalye na hindi maaring makaapekto sa kaso ay hindi binibigyan ng ganung halaga. Sa angulo naman na ipinagpipilitan nilang lunch time nila at break time nila nun, maliwanag na sa loob ng eskwelahan nangyari ang insidente. Ang mga bata habang nasa eskwelahan sa lahat ng oras dapat may nakabantay na guro lalo na kapag ito’y elementary student. Ang bigat na upang patunayan na kumikidlat nga ng mga panahong iyon sa balikat ng mga respondents nakapatong. Wala nga silang ipinakitang weather report tungkol sa ganung uring climate disturbance. Likas sa mga bata na ang edad ay kagaya kay Indoy na maging malikot at hindi depensa ang nilagyan ng bakal ang mga bintana para kay Indoy lamang.
Ma’am hindi kaya ginawa niyo yun para huwag pasukin at manakawan ang eskwelahan. Matapos sabihin ang lahat ng ‘yan, kami ay naniniwala na ang taga-usig sa kasong ito ay makikita ang lahat ng puntos na aming binabanggit.
“PROBABLE CAUSE” lamang ang hinahanap sa isang preliminary investigation at ang pagka-kuryente ni Indoy at pagkamatay niya sa “LOOB NG ESKWELAHAN” ay hindi naman maaring hindi mapansin ng taga-usig ang reklamo ng kanyang pamilya.
Isang babala lang mula sa aming tanggapan!
Nakarating sa aming kaalaman na may isang pulitikong gustong maki-alam at maniobrahin ang kasong ito. Pati ‘cause of death’ sa ‘death certificate’ gusto umanong palitan.
Nakatutok kami sa iyo at hindi kami mangingimi na ilantad ka sa iyong hindi patas na pagturing sa mga taong magkatunggali sa usaping ito.(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o sa 0919897285. Ang landLine 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com