ANO ba talaga ang requirement ng batas? Sapat na ba upang katawanin ang isang partido sa party list system na miyembro ka ng partido kinakailangang kauri mo mismo ang mga taong iyong kakatawanin? Dahil sa napakalaking butas na ito, napayagan ng Comelec si Mikey Arroyo na umupo bilang party list representative ng Tricycle drivers at Security Guards sa Kongreso.
Ang tanging hinihiling ng batas ay dapat ang kinatawan ay “bona fide member of the party or organization which he seeks to represent for at least ninety (90) days preceding the day of the election”. Ganito lang at wala nang iba. Kaya pinayagan ng Comelec majority si Arroyo dahil Disyembre pa lang ng 2009 ay miyembro na siya ng AGP (Ang Galing Pinoy) party list. Ang galing talaga ni Mikey.
Hindi maikakaila na si Mikey ay hindi Tricycle Driver at hindi rin sikyo. Pero dahil hindi malinaw sa batas na ang pagiging miyembro ng organisasyon ay limitado lang dapat sa mga kauri, wala tuloy tayong siguradong pamantayan.
Nakikinabang ang lipunan sa ingay ng nagrereklamo laban sa anila’y hindi makatwirang sitwasyon. Magandang pagkakataon ito upang mabulabog ang mataas na hukuman na agarang linawin na ang tunay na kahulugan ng pagiging “miyembro” ng partido para sa nais maging kinatawan. Pansamantala’y walang magagawa kung hindi tanggapin ang patuloy na serbisyo ni Mikey Arroyo bilang Kongresista.
Pagkakataon din ito upang ituwid ang baluktot na sistema sa Comelec kung saan hindi magkaroon ng stabilidad ang mga desisyon sa mga katulad nitong kaso. Wala pang isang linggo’y na-disqualify ng Comelec ang mga nominado ng Ang Kasangga, partido para sa mga micro-entrepreneur, dahil daw hindi sila tunay na micro-entrepreneur kahit pa ba naging miyembro ng partido ng higit sa 90 days na requirement ng batas. Ano ang paliwanag kung bakit paiba-iba ang pasiya ng Comelec? Kalokohan.
Ang bagay na ito’y iaangat sa Supreme Court sa susunod na mga araw. Masyado na nating matagal tiniis ang kawalan ng kasiguruhan sa mga kasong ganito. Bagong administrasyon, bagong sistema. Sana.