Sakla sa Pasay

NAGBABANGAYAN sa ngayon ang kampo ni Pasay City Mayor Tony Calixto at ang 101 barangay chairmen. Ang ugat ng kanilang di-pagkaunawaan ay ang sakla. Ang mga kapitan ng barangay kasi ay mahal na mahal ang dating sakla financier na si Freddie Cabrera samantalang si Calixto naman ay boto kay Aging Lisan na taga-Malabon. Ang usap-usapan sa Pasay, pinahinto ni Calixto ang saklaan ni Cabrera para pumasok si Aging. Kaya naman nagmamaktol ang mga kapitan ng bara-ngay kasi nga gusto nila taga-Pasay ang makinabang sa mga illegal at hindi ang taga-Malabon at taga-Cavite. Noong Lunes pa nagtiklop ng negosyo niya si Cabrera at sabay namang dumating ang 50 kubrador at empleado ni Aging. Subalit walong puwesto pa lang ang inilatag ng mga bataan ni Aging dahil marami sa mga kapitan ang umaayaw sa kanila.

Ang akala ng taga-Pasay mababago ang taguri na Sin City ang siyudad nila kasi nga panay pagbabago ang isinisigaw ni Calixto noong kampanyahan pa. Subalit ang bago lang pala ay ang mukha ng financier nila sa sakla sa katauhan ni Aging. Mukhang nasarapan si Calixto sa P2 milyon grease money na umano’y naligaw sa bulsa niya, di ba Mr. Eddie Boy Villanueva, Sir? Sa tingin ko, isang termino lang si Calixto at tsugi na siya sa 2013 elections. Kasi hindi naman siya puwedeng iboto ng mga bataan ni Aging at ng taga-Cavite dahil magsisilbing “flying voters” sila.

Dapat imbestigahan ni DILG Sec. Jesse Robredo ang bangayan ng kampo nina Calixto at mga kapitan niya bago magkasakitan sila dahil sa sakla ni Aging. Ang puwesto sa ngayon ng sakla ni Aging ay sa V. Mayon sa Malibay; Salud Chingkian; Primero de Mayo sa likod ng bahay ni dating Mayor Peewee Trinidad; Decena St., M. de la Cruz St., D. Jorge St., St. Peter St., St. John sa Maricaban at Sto. Niño sa Wawa. Isama na ni Robredo sa imbestigasyon sina Noel de Castro, Efren Custodio, Popoy Gaddi, at Ver Navarro na ginagamit ang Napolcom sa pangongolekta ng lingguhang intelihensiya sa mga gambling lords. Ayaw ni Robredo ng sugal subalit ang lingguhang “tong” kaya gusto n’ya? Bilang DILG chief, chairman din ng Napolcom si Robredo.

At baka hindi pa alam ni Robredo na me mga pulis at sibilyan din na umiikot para ihingi ng lingguhang inteli­hensiya ang DILG na opisina niya? Sec. Robredo Sir, ta­nungin mo sina Rey Cachuela, Ely Fontanilla, Spike Tuazon at Jerry Salustiano at tiyak may alam sila. Dapat ipasara ni Robredo hindi lang ang jueteng kundi ang lahat ng sugal-lupa sa bansa. Yan ay para hindi na magisa ang pangalan at opisina niya at para mapahinto rin ang awayan ng mga pulitiko na nakikinabang dito.

Abangan!

Show comments