Noli hinahabol ng problema
BALIK broadcast na ang ating kaibigang si ex-vice President Noli de Castro. Ayaw na sa pulitika kaya nagbalik sa mother company niyang ABS-CBN.
Pero tila hinahabol ng sakit ng ulo si Kabayan. Dinamay siya sa kasong katiwalian sa Ombudsman kasama ang kontratistang si Rhegis Romero. Ito’y kaugnay ng multi-bilyong pisong Smokey Mountain socialized housing project. P17-bilyon ang siningil ni Romero gayung P211 milyon lang ang nagastos ng kanyang kumpanyang R-II Builders. Komo si Kabayan ang “housing czar” sa nakaraang Arroyo administration, damay siya! Dawit din sina dating Finance Secretary Margarito Teves, National Housing Authority (NHA) general manager Federico Laxa at Housing Guaranty Corp. (HGC) president Gonzalo Bolongan. Sa kanyang supplemental affidavit noong July 16, binatikos ng com-plainant na si Ligorio Naval ang Ombudsman dahil inuupuan ang kasong isinampa noon pang June 18.
Naibigay na raw kay Romero ang P800 milyon ng NHA kahit wala pang order ang Korte. Mayroon daw “secret transaction na sa hindi malamang dahilan ay ayaw iparepaso ng Commission on Audit. Muntik pa raw magkaroon ng pipirmahan para maibigay kay Romero ang parte niya sa P4.46 bilyon na umano’y nagastos na sa proyekto. Buti na lang daw at naunsiyami ang isa na naman sanang kontrobersyal na “midnight deal” noong June 18. Napabalita noon na sumulat si De Castro kay Pangulong Arroyo para i-release ang bilyun-bilyong pondo. Pinasisiyasat naman ng ilang taga-Smokey Mountain kay Pangulong Noynoy Aquino ang proyekto porke nabigyan daw si Romero ng 79 ektaryang lupain, kasama ang Manila Harbour Centre kahit pa hindi natapos ng R-II ang proyekto at nabigong pondohan ang P6.6 bilyong halaga nito.
Sigaw ng Alyansa ng Mahihirap sa Smokey Mountain, tila nabiyayaan pa ng gobyerno si Romero sa kabila ng malaking aberyang ginawa niya. Hindi na nga raw natapos ang proyekto ay “ampaw” pa ang pagkakayari sa mga housing units.
- Latest
- Trending