Is the problem too big?
ANG lebel ng tubig sa Angat Dam nung Lunes ay 157.57 meters. Bago ito, pinakamababa na sa kasaysayan ang 158 na naitala noong July, 1998. Ang Angat ang tanging water supply ng 97% ng Metro Manila at karatig lalawigan. Ang critical level nito ay 180 meters. Matagal na natin itong nalampasan. Sa maraming lugar sa Metro Manila, nag-umpisa na ang pagrasyon ng tubig mula sa mga water tankers. Aantayin pa ba ang deklarasyon? Ang Metro Manila ay may krisis sa tubig.
Ayon kay Engr. Rodolfo German, plant manager ng Angat Dam: Nabubuhay tayo sa bagyo. Para sa isang lipunan na kaaahon pa lang sa kalamidad ng bagyo, tila mahirap pakinggan ang ganitong paliwanag. Subalit may katwiran din ang ganitong pananaw. Ang bagyong ulan na nagdudulot ng trahedya ang siya ring naghahatid ng pag-asa.
Pero hindi tayo magiging responsable kung panay sa kalikasan lamang iasa ang pagsolusyon sa ating problema. Malaki rin ang sagutin ng tao sa kasalukuyang suliranin: Ayon kay DPWH Secretary Rogelio Singson, 50% ng water supply ng Maynilad at 15% ng Manila Water ang tumatagas sa mga sirang water pipes. May pananagutan din ang Napocor, operator ng Angat Hydro-electric Power Plant, na siyang may responsibilidad sa pagpapakawala ng tubig mula sa Dam. Tila natakot yata sila nung Disyembre na baka ito umapaw at maulit ang karanasang Ondoy kaya unti unti silang nagpakawala ng halos tatlong buwang supply ng tubig mula Dec. 1 hanggang Dec. 15.
Ayusin agad ang mga leaks sa water pipes at irebisa ang patakaran ng pagpapakawala ng tubig sa Angat. Parusahan ang mga nagkulang. Pag-aralan ang mga panukalang pagdagdag ng mga bagong Dam tulad ng Laiban sa Rizal, pagpapaayos ng mismong Angat na marami na ring sira at ang pagkuha pansamantala ng tubig mula sa Marikina River at Laguna Lake. Higit sa lahat, magtipid sa tubig.
Malalampasan natin ito. The problem is not too big. May krisis tayo sa tubig – wala tayong krisis sa solusyon.
- Latest
- Trending