'Pamasahe lang pala.'
SORPRESA ang kasagutang natanggap ng BITAG matapos naming trabahuin at tutukan ang kaso ng South San Francisco California Most Wanted na si Virgilio Teruel.
Naipalabas na namin sa BITAG ang malalimang imbestigasyon sa kasong kinasangkutan ni Teruel sa California kung bakit siya napasama sa listahan ng Most Wanted sa nasabing bansa.
Maliwanag ang krimeng embezzlement o qualified theft na kaniyang ginawa sa isang kumpanya sa South San Francisco at pagkatapos ay tumakas pabalik upang magtago dito sa Pinas.
Naikasa na rin ng Bureau of Immigration at National Bureau of Investigation ang puwersa, tukoy na rin ang mga lugar na pinagtataguan ng fugitive na si Teruel.
Isa na lamang ang problema, ang kopya ng warrant of arrest na magmumula sa United States of America Embassy dito sa Maynila.
Subalit may pag-aalinlangan sa parte ng US Embassy. Ang isyu, ang pamasahe umano sa eroplano pauwi ng kanilang Most Wanted na si Virgilio Teruel
Tila yata nagtitipid si Uncle Sam para hulihin at pabalikin sa kaniyang bansa itong Most Wanted na si Teruel.
Hindi malaman ng BITAG kung kami’y matatawa, magagalit, maiinis o magkakamot ng ulo sa kasagutang ito ng Embahada.
Ano pa’t ipinaskil sa website ng South San Francisco Most Wanted ang pagmumukha nitong si Teruel, naglagay pa na kung may mga impormasyon sa kinaroroonan nito ay itawag at ipagbigay alam lamang sa kanilang numero.
Ang siste pala ngayon, walang budget pamasahe kaya hindi pa puwedeng hulihin. Kulang na lang sabihin, hayaan na lamang ito sa Pilipinas at ‘wag nang pabalikin kay Uncle Sam.
Saksi naman ang lahat sa kayabangan, paghahari-harian at pang-aabusong ginagawa ng Most Wanted na si Teruel sa bayan ng Ba-taan. Ang lagay eh hayaan na lamang? Hindi makakapayag dito ang BITAG. Maging ang Bureau of Immigration, sumagot na lamang magagawan natin ng paraan ‘yan.
Sa BITAG, kami na ang bahala, ilabas niyo na ang kopya ng warrant. Pamasahe lang pala…
- Latest
- Trending